Sinampolan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang sarili sa tinaguriang “Oktoberfest Sibakan sa Pamahalaan.”
Napaulat na sa bilyonaryo.com na ang negosyanteng si Francisco Tiu Laurel, may-ari ng Frabelle fishing ang bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA) at ang kanyang pinalitan ay mismong si Marcos Jr. na isang taon at tatlong buwan nagsilbi sa naturang posisyon.
Ihahayag umano ni Marcos Jr. ang appointment ni Laurel anomang araw.
Maliban sa pagiging malapit na kaibigan ng Punong Ehekutibo, si Laurel ay isa sa pinakamalaki ang naiambag sa kandidatura ni Marcos Jr. noong 2022 presidential elections, na batay sa record ng Commission on Elections (Comelec) ay P30 milyon.
Dati nang itinalaga ni Marcos Jr. bilang miyembro ng Private Sector Advisory Council (PSAC), isang pangkat na pinamumunuan ng business tycoon na si Sabin Aboitiz.
Maliban sa Pilipinas, ang food empire ni Laurel ay abot din sa Vietnam, Indonesia, Singapore, China, Japan, South Africa, Papua New Guinea, at sa Solomon Islands.
Ang Frabelle ang pangunahing supplier ng local canned makers at nag-e-export ng iba’t ibang seafood products sa Africa, Europe, North America, sa Gitnang Silangan at Asia.
Mayroon na rin itong processed meat business.
Si Laurel ang pangulo ng Agusan Power Corp. na nagbukas kamakailan ng isang 24.9-megawatt Lake Mainit hydro power plant noong Hulyo at ang panauhing pandangal ay si Marcos Jr.
Ang Agusan Power, ay isang joint venture sa pagitan ng Markham Resources ni Laurel at Japanese firm Electric Power Development Co., Ltd. (J-Power), na nagbabalak na magtayp ng 100
megawatts ng floating solar panels sa Lake Mainit katuwang ang lokal nitong kompanya.