Iginiit ni Department of Tourism Secretary Christina Frasco na isolated case lamang umano ang insidente na sangkot ang isang airport screening personnel sa umano’y pagnanakaw ng $300 mula sa isang pasahero at hindi umano ito kumakatawan sa buong tourism workforce ng Pilipinas.
Ayon kay Frasco, naniniwala pa rin siya na hindi makakaapekto sa tourism sector ang nasabing kaso at binanggit ang maraming dahilan para mahalin ng mga turista at patuloy na bumisita sa Pilipinas.
Dagdag pa niya, patuloy ang tourism sector sa pagbibigay ng trabaho sa milyun-milyong Pilipino at ang krimen laban sa isang turista ay itinuturing na isang krimen laban sa ating bansa.
Sinabi rin niya na buong-buong sumusuporta ang Tourism department sa mga hakbang ng Department of Transportation na ibigay ang pinakamataas na parusa sa taong sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Kung matatandaan, naganap ang insidente noong Setyembre 8 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, kung saan nakita ang isang screening officer na sadyang nilulunok ang umano’y mga dollar bills na ninakaw mula sa isang papaalis na pasahero.
Iniimbestigahan na ngayon ang insidente.
Ang Office of Transportation Security ay nakikipagtulungan na sa Manila International Airport Authority, at sa Philippine National Police Aviation Security upang dalhin ang mga sangkot at gumawa ng naaangkop na mga aksyong administratibo.