Nakatakda na umanong maisumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ang panukalang batas na magpapadali sa proseso ng pagbabayad ng buwis at VAT refund matapos na kapwa ratipikahan ng Senado at Kamara ang Ease of Paying Taxes Bill.
Sinabi ni House Ways and Means Committee chairperson Joey Salceda, ang nasabing panukalang batas ay maituturing na pinaka pro-taxpayer reform na ipatutpad ng gobyerno sa loob ng ilang dekada sa pamamagitan ng pag-digitize sa pagbabayad ng buwis.
“This will drag the tax system out of the past century and into the internet age. With EOPT, we now have a fully digital-ready tax system that caters to the global Filipino,” saad ng mambabatas.
Dadgag niya, kasama umano sa mga reporma na isinusulong sa panukalang batas ay ang pag-alis sa P500 registration fee, pagbuo ng micro, small, and medium taxpayer services sa Bureau of Internal Revenue para sa maliliit na negosyo, pagpapahintulot sa online transfer of registration at pagiging exempt ng mga overseas Filipino workers sa paghahain ng income tax return.
Dagdag pa ni Salceda, padadaliin na rin aniya ang pagproseso ng VAT refund lalo at nadedehado aniya rito ang investors.
Ang Ease of Paying Taxes Bill ay kinikilala bilang isang kagyat na priyoridad ng Pangulo, ang legislative milestone na ito ay magsisimula sa mga administratibong reporma na naglalayong pasimplehin ang pagsunod sa buwis at palakasin ang mga karapatan ng nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pag-amyenda sa mga piling probisyon sa loob ng National Internal Revenue Code of 1997.