Inihayag ng mga otoridad sa Maui, Hawaii na umakyat pa ang bilang ng mga Pilipinong nasawi sa nangyaring wildfire sa lugar noong Agosto dahil nadagdagan pa ng 10 ang naitalang nasawing Pinoy doon.
Sa kabuuan, 29 na ang mga Filipino at Filipino-American na nasawi sa nangyaring trahediya na kumitil sa 97 katao.
Ang mga biktima na bagong natukoy ay pitong miyembro ng pamilya Quijano at dalawa naman sa pamilya Recolizado.
Mula sa Ilocos ang mga Quijano na kabilang sa mga nasawi ay sina Adela Quijano Villegas, mister niyang si Joel Villegas, Felimon Quijano, Junmark Geovannie Quijano, Angelic Quijano Baclig, Lydia Coloma at Luz Bernabe.
Base sa mga imbestigasyon, nasa sasakyan ang mga biktima nang makulong sila ng apoy at dahil matindi umano ang pagkakasunog ng mga biktima, kinailangang isailalim sa DNA test at ibang paraan ang mga labi upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Sa pamamagitan ng DNA test natukoy ang dalawang biktima na miyembro ng pamilya Recolizado na sina Maria Victoria Recolizado, 51, at Justine Recolizado, 11. Nasawi rin si Eugene Recolizado.
Mula sa San Juan City sa Metro Manila ang mga Recolizado.
Kasama rin sa mga nasawi si Reveling Tomboc, 81, ina ng isa pang biktima na Bibiana Tomboc Lutrania.
Isa pang Filipino na hindi pa nakikita ay si Allen Constantino, anak ni Leticia Constantino, na nasawi rin sa wildfires.
Ayon sa County of Maui, 89 sa 97 nasawi ang natukoy na ang pagkakakilanlan.
Hinikayat naman ng Maui Police Department ang publiko na iulat sa kanila ang mga nawawala pang kamag-anak.
Isang makeshift memorial ang itinayo ng mga taga-Lahaina, malapit sa pinangyarihan ng wildfires na tumupok sa nasa 2,000 kabahayan at mga establisimyento.