Hindi naghahanap ng gulo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa West Philippine Sea (WPS) kasunod ng pagputol sa China-installed floating barrier sa Scarborough Shoal.
Nanindigan si Marcos Jr. na igigiit ng kanyang administrasyon ang pagtatanggol at proteksyon sa maritime territory ng bansa gayundin sa mga mangingisda at kanilang karapatan na gamitin ang WPS para sa kabuhayan.
“Hindi tayo naghahanap ng gulo, basta’t gagawin natin, patuloy nating ipapagtanggol ang Pilipinas, ang maritime territory ng Pilipinas, ang karapatan ng mga fisherman natin na mangisda doon sa mga areas kung saan sila nangingisda daang-daang taon na kaya’t hindi ko maintindihan bakit nagkaganito,” sabi ni Marcos Jr. sa panayam ng mga mamamahayag kahapon.
“Basta kagaya ng sabi ko, umiiwas nga tayo sa gulo, umiiwas nga tayo sa maiinit na salita ngunit matibay ang ating pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas,” dagdag niya.
Makaraang tanggalin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 300-meter-long barrier sa Scarborough Shoal sa utos ni Marcos Jr, hinimok ni Chinese Foreign Minister Wang Wenbin ang Pilipinas na huwag maging mapaghamon at gumawa ng gulo.
Itinuturing ni political analyst at UST Political Science Professor Marlon Villarin na “rhetorical threat” lamang ito ng China.
Upang maibsan aniya ang tensyon, kailangan aniyang magpatupad ang gobyerno ng Pilipinas ng “geopolitical approach and economic pressure.”
Dapat din aniyang humingi ng saklolo ang Pilipinas sa malalaking organisasyon ng mga bansa.