Opisyal na inalabas sa social media ang unang araw na box office gross ng “A Very Good Girl” ay P10 milyon. Marami ang natuwa sa pahayag dahil ngayon lang nagkaroon ng pelikulang Pilipino na nagpakita ng lakas at pwersa sa takilya matapos ang pandemya. Lahat kasi ng mga pelikulang sariling atin ay hindi naging matagumpay.
Maliban sa anunsyong ito, ang pelikula nina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon.
Ibinabahagi rin ang kalwa’t kanang block screenings kung saan kitang-kita na punong-puno ang mga piling-piling sinehan.
Ang block screenings na ito ay patotoo na may mga fan si Bernardo na tunay na may purchasing powers at inilalaban sa merkado ang pelikula ng kanilang idolo.
Hindi nagpapalupig ang pag-asa ng fans, pati na rin ang mga kaibigang artista ni Kathryn, kaya ginagawa nila ang lahat na kasabay ng pagpapalabas sa mahigit na isang daang sinehan, ay block screenings na malaki ang tulong para sa public perception at word of mouth kampanya.
Positibo ang mga review patungkol sa pelikula at buo ang pananalig ng lajat na ngayong weekend, mas siksik at umaapaw ang magiging kita nito sa takilya.
Hindi na puwedeng ikaila at itanggi ang pagiging box office queen ni Kathryn.
Kahit pa nga may mga ganitong pagpapatotoo na, nag-iingay pa rin ang mga duduso, hitad at katkatera. Hindi nila mapaniwalaan at walang pananalig sa tinatamasang tagumpay ng “A Very Good Girl”.
Para sa pangkat dudoso, “galawang Star Cinema” ang pagpapalabas ng malaking kinita nito sa takilya para ikondisyon ang mga tao na dapat nila itong panoorin.
Mula sa lupon ng mga hitad, ang kanilang ratrat, sa isang malaking sinehan sa mall sa Mandaluyong, diumano eh eh halos walang nanonood sa pelikula. Dalawang araw daw ang ginawa nilang pagmamanman sa sinehan sa nasabing mall, kinakausao ang mga takilyera, kaya alam nito ang masaklap nitong kapalaran.
Sa mga katkaterang totoo, malaking palaisipan, katanungan at iniintriga rin ang hindi pagsipot at pagsuporta ng kasintahan ni Bernardo, si Daniel Padilla, sa premiere night.
May mga pahayag rin sa social media na super hyped ang pelikula pero hindi talaga ito dinudumog, pinapanood at pinag-uusapan. Pulos mga “bayaran” reviewer diumano ang pumupuri rito.
Ilan pang obserbasyon, na ang pelikula sa direksyon ni Petersen Vargas, ang mas lumutang talaga ang husay at sinagpang talaga ni Dolly de Leon ang kanyang katauhan. Kay Dolly talaga ang pelikula, ito ang nagdala. Pag labas mo sa sine, si Dolly ang iyong matatandaan bilang mahusay at matalinong aktres. Halata daw ang effort ni Kathryn sa pag ganap at may mga eksena itong damang-dama mo na “umaakting” lamang ito, hindi bukal, walang sinseridad at katotohanan.
Ang isa pang sakdal husay sa pelikula, ayon sa mga nakapanood na ay si Kaori Oinuma na hindi lang matapang, kundi buong puso at kaluluwan ang ibinigay sa mapangahas nitong katauhan.
Tatlo lang raw ang eksena nito sa pelikula pero talagang pangmalakasan ang dating. Mas may brillo at igting diumano si Oinuma kesa kay Bernardo.
Ang mga ganitong mga paglalahad at obserbasyon ay tiyak na mas lalong magpapaigting sa pagiging mausisa ng lahat at hihimok sa mga manonood na sumugod sa sinehan.
Talagang pang-reyna ang estado ni Kathryn Bernardo, may katuturan at saysay ang kanyang pagsusugal na magpaka-aktres at ipakita ang kanyang natatanging talento.