Inilantad ng Taiwan kahapon ang una nitong submarino na gawa ng isang lokal na kumpanya upang palakasin ang depensa ng isla laban sa Tsina.
Pinangunahan ni Pangulong Tsai Ing-wen ang inagurasyon ng submarinong pinangalanang “Hai Kun” na salitang Mandarin na ang ibig sabihin ay isdang mythical o “Narwhal” sa Ingles.
Itinuturing ng Beijing na bahagi ng Tsina ang Taiwan at pwersahan nitong ibabalik ito sa bansa kung kinakailangan.
Ngunit hindi tanggap ng mga Taiwanese at ni Tsai ang otoridad ng Beijing sa isla dahil tinuturing nilang nagsasariling bansa ang Taiwan.
At upang hindi masakop ng Tsina, pinalalakas ng Taiwan ang sariling sandatahang lakas upang ipagtanggol ang bansa sa maaaring paglusob ng People’s Liberation Army ng Tsina.
Noong 2016, inilunsad ni Tsai ang isang programa para sa paggawa ng walong submarino at natapos ng CSBC Corporation ang “Hai Kun” noong 2020.
Nasa halagang $1.5 bilyon ang “Hai Kun” at may displacement itong 2,500 hanggang 3,00 tonelada. Ang combat system at mga torpedo nito ay gawa sa Amerika na kaalyado ng Taiwan.
Subalit hindi pa magagamit ang submarino at aabot pa ng tatlong taon bago ito maging operational, ayon kay Zivon Wang, isang military analyst ng Chinese Council of Advanced Policy Studies.
Minaliit naman ito ng Beijing. Sa isang editoryal sa pahayagang Intsik na Global Times, isang ilusyon o panaginip ang plano ng Taiwan na pigilan ang reunification nito sa Tsina.