Ang pagpapabaya ni Vice President Sara Duterte sa papel sa mga usapin sa kurikulum ay patunay ng kawalan ng kakayahan bilang Education secretary
Reaksyon ito ni Vladimer Quetua, Alliance of Concerned Teachers (ACT) Chairperson sa pahayag ni Duterte sa isang panayam sa isang education summit sa South Korea na hindi siya makikibahagi sa pinal na desisyon sa panukalang rebisahin ang ilang terminolohiya sa basic education curriculum na nauukol sa diktadurang Marcos Sr.
Anang ACT, malinaw na ipinapakita nito na ang kasalukuyang Kalihim ng Edukasyon ay hindi nagtataglay ng malaking kadalubhasaan sa larangan ng edukasyon.
Lubha aniyang nakakabagabag na pinili ni Duterte na ilayo ang sarili sa napakahalagang desisyon, lalo na kung ito ay may kinalaman sa rebisyon ng mga terminolohiyang may kaugnayan sa rehimeng Marcos Sr, isang panahon na minarkahan ng mga paglabag sa karapatang pantao, katiwalian, at paniniil.
Giit ni ACT, sa pamamagitan ng pagpapabaya sa kanyang tungkulin sa prosesong ito, epektibong tinatalikuran ni Duterte ang kanyang responsibilidad na magbigay ng pamumuno at patnubay na kinakailangan upang maprotektahan ang kalidad at katotohanan ng ating sistema ng edukasyon, lalo na pagdating sa mga bagay na kasinghalaga ng mga pagbabago sa kurikulum.
Ang ganitong mga pagbabago ay may malaking pambansang kahalagahan dahil direktang naiimpluwensyahan ng mga ito ang kaalaman at pananaw na nakukuha ng ating mga estudyante tungkol sa ating kasaysayan at lipunan.
Para saan pang kalihim siya ng edukasyon kung ang lahat ng ito, iaasa na lang niya sa ibang tao at sasabihin niyang wala siyang alam?
Nakapanghihinayang na hindi namana ni Duterte ang adbokasiya ng kanyang lola na si Soledad “Nanay Soling” Duterte na isang mahigpit na kritiko ng diktadurang Marcos, pati ang kanyang minahal na propesyon na pagiging guro.
Minahal si Nanay Soling, hindi lamang ng Davao, kundi maging ng mga tunay na nagpapahalaga sa demokrasya sa ating bansa.
Hindi naman makapapasok sa politika si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 1986 kung hindi siya isinuga ni Nanay Soling bilang kanyang kapalit sa inalok na posisyon bilang officer-in-charge ng Davao City sa panahon ng revolutionary government ni noo’y Presidente Cory Aquino.
Walang VP Sara kung hindi dahil sa lola niyang isang guro, si Nanay Soling, sana man lamang ay naisip ito ng Education secretary.