Inihayag ng pamahalaan ng United States na plano nitong magbigay ng mga advanced long-range missiles para tulungan ang Ukraine sa nagpapatuloy na counter-offensive nito.
Sa isang pahayag, sinabi ng isang US official na inihayag umano ni President Joe Biden na ang ibibigay ng Estados Unidos sa Ukraine ay Army Tactical Missile System (ATACMS) na may range hanggang 190 miles o 300 km.
Makakatulong umano ito sa Ukraine na matamaan ang Russian targets.
Dagdag pa nito, sinabi umano ni Biden kay Ukraine President Volodymyr Zelensky sa kanilang pagkikita sa White House nitong Huwebes na makakatanggap ng maliit na bilang ng nasabing tactical ballistic missiles ang Ukraine.
Ipapadala aniya ang nasabing mga armas sa mga susunod na linggo.
Una rito, sa pag uusap nina Biden at Zelensky, inanunsyo ng US na magbibigay ito ng panibagong tranche ng military aid sa Ukraine na nagkakahalaga ng $325 million kabilang dito ang artillery at ammunition.
Kung matatandaan, ipinagmalaki ng Ukraine na matagumpay nilang natamaan ang Black Sea Fleet sa Sevastopol, Russia.
Ayon sa Strategic Communications Department of the Armed Forces of Ukraine (Stratcom) na ang nasabing insidente ay bahagi ng pinaigting nilang pag-atake sa Russia.
Ang Sevastopol ay isa sa pinakamalaking lungsod sa Ukrainian peninsula ng Crimea na iligal na inangkin na ng Russia mula pa noong 2014.
Magugunitang ilang mga imprastraktura na ng Russia ang tinamaan na ng Ukrainian missiles.