Iniulat ng mga otoridad na isang 19-anyos na lalaki ang nagtamo ng limang sugat sa katawan matapos umano itong pagsasaksakin ng isa pang lalaki at kuyugin ng dalawang menor de edad sa Kalayaan, Laguna.
Ayon sa mga paunang imbestigasyon, lumalabas na selos umano pinag-ugatan ng kanilang away nang mag-chat pa sa biktima ang nobya ng suspek.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang naglalakad sa kalsada ang isang grupo ng mga kabataan pagkagaling nila sa basketball court noong Setyembre 18 at ilang saglit pa ay nilapitan ng lalaking kinilalang si Aaron Beltran ang isa pang lalaking may hawak ng bola na si Cedric Bermas.
Sandaling nag-usap ang dalawa, hanggang sa may binunot sa tagiliran si Beltran at pinagsasaksak si Bermas.
Matapos nito, kinuyog naman si Bermas ng dalawang iba pang kasama ni Beltran.
Nakayuko na ang biktima nang muli siyang puntiryahin ng saksak sa tagiliran ng suspek.
Naunang umalis ang dalawang nakibugbog ngunit nakatayo si Bermas at nakipambuno kay Beltran. Pinagsisipa ni Beltran si Bermas bago tumakas.
Agad isinugod sa ospital ang biktima matapos ang insidente.
Nadakip ang dalawang menor de edad na dawit sa gulo sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, habang tinutugis ang 21-anyos na si Beltran.
“Sa initial investigation namin ay selos ‘di umano base sa aming nahagilap na information, itong girlfriend ng suspek ay di umano’y nagcha-chat pa roon sa victim,” sabi ni Police Captain Ronald Pagayon ng Kalayaan, Laguna MPS.