Hindi pa rin talaga nawawala ang star power ng K-Pop superstar na si Sandara Park sa mga Pinoy lalo na nang mag-guest siya sa “It’s Showtime” nitong nakaraang Sabado.
After six years kasi, ngayon lang muling nakabalik si Sandara sa noontime show kung saan pinerform niya ang kanyang single na “Festival,” pati na rin ang “I Am the Best” ng dating K-Pop girl group na 2NE1.
“What’s up, Madlang People! Si Sandara ‘to. Namiss ko kayo!” saad ni Sandara sa kanyang panimula. “Alam niyo, sabi ng mga fans ko, last visit ko raw sa ‘Showtime’ ay six years ago.”
“Hindi kasi ako nakapunta dahil sa COVID so I was really waiting for this moment na babalik ako sa ‘Showtime,’” dagdag niya.
Inalala rin ni Sandara ang kanyang pinagmulan sa ABS-CBN matapos siyang tanungin ng TV host na si Anne Curtis kung ano ang pakiramdam niya na tinatawag pa rin siyang “Pambansang Krung-krung ng Pilipinas.”
“Kaya mahal na mahal ko ang Pilipinas e. At dito ako nanggaling, lalo na sa ABS-CBN,” sabi ni Sandara.
Kasunod niyan ay dito na niya binanat ang kanyang biro.
“Pero nagtataka ako, bakit wala ‘yung picture ko sa wall sa labas? Pakilagay niyo po ‘yung picture ko,” saad ni Sandara.
Dahil diyan, biglang nagtawanan ang mga host at manonood habang ipinagpapaliwanag ni Kim Chiu ang isang staff na magbigay ng paliwanag sa K-Pop star.
Anyway, nagpunta nga si Sandara sa “Showtime” upang i-promote ang kanyang first solo album in 20 years.
Matatandaang unang sumikat si Sandara dito sa Pilipinas matapos sumali at manalo sa talent show na “Star Circle Quest” noong 2004.
Nagkaroon pa nga siya ng hit song na “In or Out” at bumida sa ilang pelikula hanggang noong 2007.
Taong 2009 nang mag-debut naman siya sa South Korea bilang isa sa mga miyembro ng K-Pop girl group na 2NE1.