Nakalulungkot makita ang Pangulo ng Pilipinas na pinangunahan ang pamamahagi ng smuggled rice sa pinakamahihirap na mamamayan ng kanyang bansa.
Ayon sa press release ng Presidential Communications Office kahapon,” Namahagi ng 1,200 sako ng bigas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa General Trias, Cavite.
Ang donasyong bigas ay parte ng 42,180 sako ng smuggled rice na nakumpiska ng Bureau of Customs. PHP 1.577-milyong halaga naman ng tulong ang ipinamahagi ng Department of Agriculture sa mga magsasaka sa probinsya.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni PBBM na patuloy ang mga hakbang ng administrasyon upang mapigilan ang iligal na importasyon ng lahat ng agri-products, at matiyak ang sapat at murang pagkain para sa mga Pilipino.”
Masama sa panlasa ng isang nag-iisip na Pinoy ang senaryong ipinipinta ng Punong Ehekutibo.
Sa halip na tugisin, kasuhan at ipabilanggo ang rice smugglers, lumalabas na isa siyang Robinhood, ipinamamahagi sa mahihirap ang “katas ng krimen.”
Nagdudulot ito ng pagkalito sa isip ng mga kabataan, tama ba ang smuggling at tila tinatangkilik ito ng pinakamataas na opisyal ng bansa?
Ang anyo niyang todo ngiti habang iniaaabot ang ipinuslit na bigas sa mga pobreng residente ay napakasamang halimbawa para sa mga kabataan.
Kung sinoman ang nagpayo sa kanya na gawin ito, dapat niyang sibakin sa puwesto dahil ipinapahamak siya.
Sa halip na maibangon niya ang pangalan ng kanyang pamilya, lalo lamang siyang inilulugmok ng kanyang mga tagapayo sa isang sitwasyon katawa-tawa na, labag pa sa batas.
Kailanman ay hindi magandang propaganda ang mamigay ng katas ng krimen lalo na ang ipagbili ito gaya ng ginawa nila sa smuggled sugar na ibinenta sa Kadiwa stores.
Kung sinoman ang makikinabang sa kaganapang ito, siguradong ang magiging katunggali ng administrastiion ticket sa 2025 elections.
Kapag nagpatuloy si PBBM sa mga ganitong klase ng gawain sa pag-aakalang ‘pogi points’ ito, huwag na tayong magtaka kung hanggang 2028 na lang ang Marcos sa politika.