Sapul ng missile na pinakawalan ng Ukraine ang headquarters ng Black Sea Fleet ng Rusya sa Crimea, ayon sa ulat ng isang opisyal sa teritoryong sinakop ng mga Ruso.
Naglabas kahapon ng babala sa social media si Gobernador Mikhail Razvozhayev ng Sevastopol, ang pinakamalaking lungsod sa Crimea, na manatili ang mga tao sa loob ng kanilang mga bahay para sa kanilang kaligtasan sakaling magkaroon ng kasunod na atake.
Sinabi rin ni Razvozhayev na inaapula ng mga bumbero ang sunog na sanhi ng pagsabog.
Isa ang naiulat na namatay sa atake.
Ang pagtira sa nasabing headquarters ay kasunod ng pag-atake ng Ukraine sa isang airfield malapit sa bayan ng Saky.
Ilang mga eroplanong pandigma at missile defense system sa airfield ang napuruhan sa missile attack, ngunit pinabulaanan ito ng Moscow.