Hinikayat ni Sen. Risa Hontiveros ang administrasyong Marcos Jr. na paulit-ulit na singilin ng danyos ang China sa mga utang nila dahil sa pagkasira ng mga yamang dagat sa West Philippine Sea (WPS).
“Kailangan paulit-ulit ulit nating siyang kwentahan at singilan ng pagkakautang sa atin. This is at least the second time na nanawagan ako sa ating gobyerno na singilin ang danyos sa atin ng Tsina,” sabi ni Hontiveros sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kamakalawa ng gabi.
“Talagang hindi lang ninanakawan ng hanapbuhay ang ating mangingisda, sinisira pa ang marine ecosystem,” dagdag niya.
Sinabi ng senadora na ito rin ang laman ng kanyang inihaing resolusyon sa Senado, ang imbestigahan ang isyu at patunayan upang ma-solidify o mapatibay ang basehan ng pagsingil ng danyos sa China.
Posible aniya na ang naunang dredging activity ng Beijing sa seabed ng WPS ay para lumikha ng kanilang artificial islands at magtayo ng base militar.
“Yung nauna nilang pag-dredge ng ating seabed ay para saan pala, para maglikha sila ng artificial islands nila tapos imilitarize yun…Who knows? Bakit pagkatapos nilang bunutin, ‘yan napaka-destructive rin…Yung pagtanggal, pagbalik may damage sa coral,” wika ni Hontiveros.