Natanggap na ng nasa 3,461 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa lalawigan ang sahod para sa kanilang sampung araw na pagtatrabaho noong nakaraang buwan ng Hulyo.
Ito na ang ika-apat na payout distribution sa taon para sa mga naging kabahagi ng programa sa probinsya na ipinagkaloob ng Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang Pusong Pinoy Partylist, Office of the Congressman, Provincial Government of Marinduque at Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office (LMD-PESO).
Base sa tala ng LMD-PESO, umabot sa 2,133 ang bilang ng mga indibidwal na tumanggap ng kanilang sahod mula sa mga bayan ng Boac at Mogpog habang 1,328 naman ang nagmula sa munisipalidad ng Buenavista at Torrijos.
Ayon kay Alma C. Timtiman, Chief Administrative Officer at Head ng LMD-PESO, patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno lalo’t higit sa DOLE upang makapagbigay ng maayos na trabaho sa mga Marinduqueno.
“Asahan po ninyo ang aming tuluy-tuloy na paghahatid ng mga programa at serbisyo ng Department of Labor and Employment at ng ating Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Gov. Presbitero J. Velasco, Jr. at Cong. Lord Allan Jay Velasco,” pahayag ni Timtiman.
Ang Tupad ay isang community-based program ng DOLE na nagbibigay ng trabaho sa mga mamamayang nasa impormal na sektor gaya ng underemployed o self-employed workers na nawalan o naapektuhan ang kabuhayan o kita dahilan sa kalamidad o iba pang uri ng sakuna kung saan sila ay inaasahang magtatrabaho sa loob ng hindi bababa sa sampung araw ngunit hindi lalagpas sa 30 araw depende sa uri ng trabaho na iaatas sa kanila.
(PIA)