Nagpapatuloy ang konstruksyon ng sheltered port sa Pag-Asa Island sa bayan ng Kalayaan. Ito ay ang ikatlong bahagi na ng nasabing proyekto.
Ayon sa Provincial Information Office (PIA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang proyektong ito ay pinondohan ng Department of Transportation (DOTr) at isinasakatuparan ng Provincial Engineering Office (PEO) katuwang ang DOTr, Philippine Ports Authority (PPA) at Lokal na Pamahalaang Bayan ng Kalayaan.
Ayon naman sa PEO, nasa 50% na ang natatapos sa konstruksiyon ng Phase III ng nasabing sheltered port.
Taong 2018 pa nang simulan ang konstruksyon ng Phase I na pinondohan ng halagang P432 million. Sinundan ito ng konstruksiyon ng Phase II noong 2021 na nagkakahalaga naman ng P221 million at nakumpleto ngayong taon.
Noong buwan ng Hunyo nang sinimulan ang konstruksyon ng Phase III na nagkakahalaga ng P466 million at inaasahang matatapos at magagamit na sa Marso 2024.
Sinabi pa ng PIO na layunin ng proyektong ito na maitaas ang pang sosyo-ekonomikong kalagayan at pamumuhay ng mga residente sa Pag-Asa Island.
Sa pamamagitan rin ng proyektong ito, ang komunidad sa Pag-Asa Island ay magkakaroon na ng maayos na port facility para sa mga pasahero, cargo ships, pati na rin sa fishing boats kung saan inaasahang magreresulta ito sa pag-unlad ng industriya ng pangisdaan at turismo sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea (WPS).
(PIA)