Matatag na tagapagtaguyod ng adbokasiya laban sa reclamation projects sa Manila Bay sina Jonila Castro at Jhed Tamano, dalawang environmental activists na umano’y dinukot ng militar.
Ayon kay Jon Bonifacio, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment, isa sa organisasyon na kanilang kaanib, ang AKAP Ka Manila Bay, ay tutol sa mga proyekto tulad ng New Manila International Airport ng San Miguel Corporation (SMC), na negatibong nakaapekto sa mga ecosystem at mga residente sa baybayin sa buong hilagang rehiyon ng Manila Bay.
“Jonila and Jhed are steadfast advocates against reclamation in Manila Bay. The organization they are affiliated with, AKAP Ka Manila Bay, has opposed projects like the New Manila International Airport of San Miguel Corporation, which has negatively affected ecosystems and coastal residents across the entire northern Manila Bay region,” ani Bonifacio.
Sina Jonila at Jhed ay pawang kasapi ng AKAP Ka Manila Bay na dinukot umano ng militar noong 2 Setyembre alas-7:30 ng gabi sa Brgy. Lati, Orion, Bataan, sabi ni Cristina Palabay, secretary general ng human rights group na Karapatan sa panayam sa programang “Hot Patatas” sa Daily Tribune Facebook Page at Youtube channel kahapon.
Sinabi ni Palabay na naninindigan ang AKAP Ka Mla Bay laban sa mahigit 20 proyekto kasama ang may kaugnayan sa Dutch companies na naka-monitor ang The Netherlands Embassy.
Napaulat noong Pebrero 2023 na ang Dutch government ay tinutuligsa ng international groups dahil sa pagtalikod sa pangako nitong protektahan ang kapaligiran pero buo ang suporta nito sa New Manila International Airport (NMIA) ng San Miguel Corp.
Nababahala ang ecology groups na ang bagong paliparan ng SMC ay nagdudulot ng permanenteng pinsala sa kapaligiran partikular sa Manila Bay at mga nakapaligid dito.
Sa 190 kilometrong baybayin, kasama sa mga coastal at marine ecosystem ng Manila Bay ang mga mangrove forest, malalawak na mudflats, at seagrasses.
Ang pakikilahok ng Dutch sa pagprotekta sa yamang dagat ng lungsod ay sa pamamagitan ng pagkuha ng mga conservationist upang payuhan ang wastong pagpapatupad ng Manila Bay Sustainable Development Master Plan.
Ang pagpapaunlad ng paliparan ng SMC ay sumasaklaw sa isang inirerekomendang “striktong proteksyon zone” na kinikilala ng Master Plan bilang pangunahing lugar ng marine biodiversity.
Ang aktibidad ng tao maliban sa siyentipikong pag-aaral at mga seremonyal at di-extractive na paggamit ng mga katutubo ay dapat paghigpitan sa mga protektadong sona.
Ang programa, gayunpaman, ay napigilan ng kawalan ng mga patakaran sa pagpapatupad at ang pormal na pagkilala sa mga lugar sa Manila Bay bilang “strict protection zones”.
Ang kumpanya ng imprastraktura ng Dutch na Boskalis Westminster NV na may suporta sa export credit agency na Atradius Dutch State Business ay kasosyo ng SMC sa proyekto na lalong nagpapalubha sa magkasalungat na tungkulin ng pamahalaan nito.
Pinondohan ng Netherlands ang isang master plan upang protektahan ang Maynila, pagkatapos ay nagbibigay ito ng suportang pinansyal para sa isang Dutch dredging company upang ganap na pahinain ang mga rekomendasyon ng plano.