Nangyari na ito sa Asian Games limang taon na ang nakakaraan at nangyayari nang muli kulang isang Linggo na lang bago magbukas ang Asiad sa Hangzhou.
Nagkukumahog tayo sa pagkuha ng mga players na maglalaro para sa Gilas Pilipinas team na sasabak sa quadrennial meet hoopfest kaya naman tuliro na naman ang sambayanang Pilipino na nagmamahal sa basketball.
Walang kasalanan ang bagong upong head coach na si Tim Cone dahil mahigit pa lang isang Linggo simula nang siya ay naitalaga bilang coach para pumalit kay Chot Reyes.
Hindi rin alam ni team manager Alfrancis Chua ang tungkol sa players na nasa listahan dahil hindi naman siya ang gumawa nito.
Pero wala nang panahon para sa sisihan. Ang kailangan natin ay solusyon.
Tanging mga players na nasa initial na 60 na hiningi ng mga organizers sa Asian Games sa Hangzhou ang kanilang tatatanggapin sa line up.
Tinanggihan na nila ang planong pagdadagdag kina Calvin Abueva at Jason Perkins at tila malabo na ring maidagdag pa sina Terrence Romeo at Mo Tuatuaa.
Sakali mang hindi mapasama ang mga ito, walong players na lang ang matitira mula sa orihinal na nasumite ang nasa active roster ng Gilas na pangungunahan nina naturalized players Justin Brownlee at Ange Kouame, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Calvin Oftana, Chris Newsome at Roger Pogoy.
Hindi rin sigurado kung ang mga collegiate players na kasama sa listahan na ginawa na ilang buwan na ang nakalilipas ay mapapayagan pa ng kanilang collegiate teams dahil magbubukas na ang National Collegiate Athletic Association at University Athletic Association of the Philippines.
Ang sitwasyon kung saan nagkakandarapa sa preparasyon ang Pilipinas sa papalapit na Asian Games basketball tournament ay hindi na bago para sa atin.
Noong 2018, walang plano na sumali at maglagay ng men’s basketball sa Asian Games dahil halos walang natirang players sa Gilas matapos masusupinde ang mga coaches at players na nakasali sa free-for-all sa laban ng Pilipinas kontra Australia sa isa sa mga window tournaments ng Asian Qualifiers para sa World Cup.
Pero dahil sa kagustuhan nang sambayanang Pilipino na magkaroon ng basketball team na nagri-representa sa bansa sa Asiad, gumawa ng paraan ang pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas katulong ang PBA at ang Rain or Shine para buoin ang national squad kung saan dinala natn si NBA star Jordan Clarkson para maglaro sa bansa sa kaunaunahang pagkakataon.
Ang koponan ay pinamunuan ni Clarkson at ginabayan ni Yeng Guiao kung saan dinala niya rin ang karamihan sa mga players ng Elasto Painters gaya nina James Yap, Chris Tiu, Raymond Almazan, Beau Belga, Gabe Norwood, Mav Ahanmisi, habang binunot sa ibang teams sina Christian Standhardinger, Paul Lee, Stanley Pringle, Poy Erram at Don Trollano.
Walang Clarkson na maglalaro sa atin ngayon dahil balik na siya sa training camp.
Ang tanging kailangan natin sa ngayon ay mabuo ang 12 players na siyang magri-representa sa atin sa bansa.
Wala nang panahon sa sisihan. Solusyon ang siyang kailangan sa ngayon na siya nang tinatrabaho nina Cone, Chua at ng pamunuan ng PBA at SBP.