Irerekomenda ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Malacañang ang pagsasampa ng mga kaso laban sa China sa pagsira ng coral reefs at pagkuha ng corals sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Remulla na tatalakayin niya ito kay Executive Secretary Lucas Bersamin ang posisyon ng DOJ sa ginagawang paninira ng China sa coral sa WPS, na tinawag niyang isang “evil act.”
“With or without territorial dispute the destruction of the environment is a sin against humanity. So, it’s a very good case to file on behalf of the Philippines for the sake of humanity itself,” ani Remulla.
Giit niya, may sapat na ebidensyang nakalap sa nakaraang mga taon para suportahan ang pagsasampa ng kaso laban sa China.
“It’s a very ripe case for adjudication. I think we can go on and tap the best legal experts in the country to help us. We have access to the best environmental lawyers. We will pursue these cases against China because we have a lot of evidence,” aniya.
Sinisisi ang pagkasira sa marine environments na sakop ng exclusive economic zones (EEZ) ng bansa sa Chinese maritime militia vessels.
Ayon kay Remulla, ilang taon nang nagyayari ito ngunit ang pagdodokumento ay kailan lamang ginawa.
“The last few months we were able to get more documentation on this matter,” dagdag ni Remulla.