Kamakailan ay nagpahayag ng matinding pagtutol ang malalaking business groups sa bansa sa hiling na pagpasa ng legislative wage hike na P150 kada araw na isinusulong ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Nagkakaisa ang Employers Confederation of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce, Inc. at ilan pang samahan ng mga namumuhunan sa bansa na hindi kakayanin ng mga negosyante ang hiling na P150 wage hike dahil magiging masama ang epekto nito sa lagay ng pamumuhunan.
Ayon pa sa business groups, kakayanin ng mga malalaking kumpanya ang wage hike ngunit hindi ang mga MSMEs, o ang mahigit na 99 percent na mga negosyante sa Pilipinas.
Nakikita naman nina National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan at Finance Secretary Benjamin Diokno na magkakaroon ng second round effect ang wage hike dahil babawiin lamang ng mga negosyante ang kanilang pagkalugi sa pagtaas ng kanilang mga presyo, at ang maghihirap ay ang pangkaraniwang taumbayan.
Binigyang diin naman ni Zubiri na hindi siya titigil hanggat hindi naipapasa ang wage hike, at pinayuhan pa ang mga kontra rito na imulat nila ang kanilang mga mata sa katotohanang hindi na sapat ang kinkinita ng isang pangkaraniwang manggagawa sa taas ng mga bilihin ngayon.
Ayon naman sa ekonomistang si Cielito “Winnie” Monsod, bagama’t kitang-kitang bumaba na purchasing power ng piso dahil sa sabay-sabay na pagsipa ng mga bilihin, mawawalan ng balanse kapag itinaas ng husto sa P150 kada araw ang sweldo ng mga manggagawa.
Panahon na ito para sa ating mga mambabatas na magnilay-nilay at gamitin ang kanilang mga talino para balansehin ang usaping ito.
Imbes na ubusin ang oras sa paghahanap ng putik na ipupukol sa kapwa pulitiko, mag-isip na lamang ng solusyon para rito.
Ito na rin ang tamang panahon para mag-isip kung paanong hindi malalagay sa balag ng alanganin ang bawat sektor ng ating bansa.
Sino nga ba ang dapat kilingan? Ang empleyadong nakikibaka, maitawid lamang ang isang araw sa kabilang ng malaking gastusin, o ang mga negosyanteng nagbibigay ng trabaho sa ating mga empleyado?
Share ko lang…
Habang ako ay namimili ng isdang maiuulam sa palengke ay naulinigan ko ang isang inang namimili rin ng murang isda, o yung tumpok na lamang na maaari pa rin namang makain pero may kaunting diperensya na.
Aniya, “Ito na lang ang kayang bilhin ng kita ng asawa kong tricycle driver. Ang hirap ng pera ngayon, hindi gaya ng dati. Noon, hindi sabay-sabay ang taas ng bilihin, pana-panahon. Ngayon, one-time, big-time!”
Tiningnan ko na lamang sya. Naaawa man ako sa kanyang kalagayan at maluha-luha, isang salita na lamang ang aking nasambit. Tamaaaaaa!!!!