Matagal na ang usap-usapan tungkol sa plano ng pamahalaan na maglaan ng intelligence fund sa Department of Education (DepEd) 2024 National Budget.
Sa unang pagtingin, mukhang magandang ideya ito para sa paglinang ng sektor ng edukasyon. Pero kung susuriing maigi, maraming dahilan kung bakit hindi ito matalinong desisyon.
Una sa lahat, ang intelligence fund ay itinatag para sa paghahanda at pangangalaga ng seguridad ng bansa.
Kung ididirekta ito sa sektor ng edukasyon, maaaring magbanta ito sa kakayahang magmatyag at mag-responde ng bansa sa mga nagbabadyang panganib.
Ang paglalaan ng intelligence fund para DepEd ay parang tinanggalan mo ng bakod ang isang bahay: ito rin ang mangyayari kapag ang pondo na dapat ay nakalaan national security and intelligence cluster ng gobyerno para ilaan sa DepEd.
Sunod, ang inaalala ng publiko ay ang usapin ng transparency at accountability sa paggamit ng nasabing pondo.
Dahil sa ‘confidential’ na nature ng intelligence funds, hindi maikakaila na ito ay maaaring magamit sa hindi tama at hindi mapanagutan dahil limitado ang pagsusuri rito ng publiko.
Kung ilalaan ito sa edukasyon, maaaring mauwi ito sa hindi maayos na paggastos at mismanagement ng budget dahil sa kawalan ng kasanayan at kapasidad pang seguridad.
Pangatlo, walang malinaw na katuwiran kung bakit ang DepEd ay dapat na gumamit ng intelligence fund.
Ang pangunahing tungkulin ng DepEd ay pagpapanatili at pangangasiwa ng mga patakaran ng edukasyon, hindi ang pangongolekta ng mga impormasyong pang-intelligence.
Ang paglalagay ng intelligence fund sa DepEd ay parang isinasama mo ang langis at tubig—hindi talaga sila bagay.
Sa halip na ibigay ang intelligence fund sa DepEd, hindi ba mas mabuti na ilaan na lamang ito direkta sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon, pagsasanay ng mga guro, pagpapaganda ng pasilidad ng mga paaralan, at iba pang serbisyong pang-edukasyon?
Panghuli, dapat ay hindi nagiging sagabal ang kawalan ng pondo para maabot ng sektor ng edukasyon ang kanilang mga adhikain.
Sa halip, dapat itong maging daan para lalong magpursige ang pamahalaan na maghanap ng ibang mapagkukunan ng pondo na mas tutugon sa pangangailangan ng DepEd.
Sa madaling salita, hindi matalinong desisyon na mag allocate ang Congres ng intelligence fund sa DepEd 2024 budget.
Ito ay magdudulot ng imbalance sa budget ng national security, maaaring maabuso, at hindi talaga tugma sa core functions ng DepEd.
Sa halip, dapat ay maghanap ang gobyerno ng mas matalinong paraan para ma-allocate ang budget para sa kahalagahan at pangangailangan hindi lamang ng edukasyon kundi pati na rin ng national security.
Sa kabilang banda, mayroong mga kasalukuyang ahensya ng gobyerno na may sapat na kapasidad at kasanayan sa paggamit ng intelligence fund, tulad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines ( ISAFP), PNP, NBI, at iba pang mga law enforcement agencies.
Sila ay may mga propesyonal na kasanayan at teknikal na kaalaman na kinakailangan upang mabigyang-halaga ang mga impormasyon at gumawa ng mga strategic decisions batay sa mga ito.
Hindi ba’t mas mainam kung ito’y mailalaan natin sa mga tamang ahensya na may sapat na kaalaman at kasanayan na magamit itong pondo ng may kahusayan?
Sa ganitong paraan, masisiguro natin na ang ating pampublikong pondo ay ginagamit ng maayos at may kahusayan sapat at wasto.