May pag-asa na ang inaasam na maghari ang kapayapaan sa Pilipinas.
Kinompirma ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, formerly Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. na bubuhayin ng administrasyong Marcos Jr. ang ilang beses nang naunsyaming peace talks sa Communist Party of the Philippines/ New People’s Army/ National Democratic Front of the Philippines (CPP/NPA/NDF).
Sa panayam ng Dyaryo Tirada kay Galvez kamakalawa, sinabi niya na ang tagubilin sa kanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr. ay matuldukan bago matapos ang kanyang administrasyon sa 2028 ang mga armadong tunggalian na nagsimula sa panahon ng kanyang ama na si dating Presidente Ferdinand E. Marcos Sr.
Gusto aniya ni Marcos Jr. na maghari na ang kapayapaan upang mawalan ng hadlang ang inaasam na kaunlaran ng bansa.
Kung paano isasakatuparan ang naturang layunin sa pamamagitan ng “political settlement” lilinawin ito ni Galvez paglabas ng presidential proclamation kaugnay sa usapin.
Bilang panimula ay maglalabas ng presidential proclamation anomang araw ngayong linggo si Marcos Jr. na magkakaloob ng amnesty sa mga miyembro Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas – Revolutionary Proletarian Army – Alex Boncayao Brigade (RPM-P/ RPA / ABB) at Cordillera Bodong Administration and Cordillera People’s Liberation Army (CBA-CPLA).