Kinondena ng National Union of Peoples’ Lawyers sa pinakamataas na antas ang pagpatay kay Atty. Liwliwa Saniata Alzate, ang ikatlong abogadong napatay sa tatlo mula nang maupo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Si Alzate ay pinatay ng dalawang nakamotorsiklong salarin sa kataasan ng sikat ng araw noong 14 Setyembre 2023 habang siya ay pumarada sa harap ng kanyang tirahan.
Mahigpit na hinihimok ng NUPL ang lahat ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas na mahigpit na imbestigahan ang insidenteng ito at, kasunod nito, iharap sa hustisya ang mga may kasalanan nito.
Dating nagkaloob ng legal assistance si Alzate sa isang biktima ng illegal arrest, detention, at torture ng mga miyembro ng Philippine National Police noong Enero 2023, at nakakuha siya ng isang Writ of Amparo mula sa Regional Trial Court sa Abra.
Naging pangulo ng Abra Chapter ng Integrated Bar of the Philippines at nagsilbi rin bilang Legal Aid Committee Chair.
Nagbibigay si Alzate ng libre o pro-bono legal service sa mga maralita at nagsilbi rin bilang private prosecutor sa kaso ng pagpatay sa isang guro ng umano’y barangay chairperson.
Ang patuloy na pag-iral sa bansa ng climate of impunity ay nagdudulot ng mga walang kabuluhang pamamaslang sa mga miyembro ng legal na propesyon, kabilang ang judges at prosecutor.
Tulad ni Alzate sina Attys. Juan Macababbad at Ben Ramos ay piniling tahakin ang landas na nagpapakita ng pinakamalaking panganib, basta makapaglingkod lamang sa bayan ng walang pag-iimbot.
Parang sirang plaka ang Malacanang na paulit-ulit na naglalabas ng pahayag nang pagkondena sa tuwing may napapatay na abogado.
Mapanganib ang kultura ng pagkalimot na nais ikintal sa isip ng mga mamamayan sa panahong ito, gaya ng alisin ang Marcos sa “Diktadurang Marcos.”
Ibabaon na lang rin ba sa limot ang pinaslang na mga abogado sa paghahangad na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng giyera kontra droga?
Kung may sinseridad ang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin Jr. sa pagkondena sa pagpatay sa kababayan niyang taga-Abra na si Alzeta, hindi naman siguro malaking kalabisan kung tutukan niya ang kaso hanggang maihatid sa bilangguan ang mga salarin.
Sa 2025 ay malalaman ng mga taga-Abra kung may tsansa pang makabalik sa poder ang mga Bersamin, at ang kaso ni Alzeta ang dapat maging barometro.