Nagsimula sa simpleng salu-salo na nauwi sa malakihang pagtitipon-tipon.
Ang dating mortal na magkaribal na siyang nagpasikat sa Philippine Basketball Association, magkakasangga na ngayon.
Isang engrandeng reunion ang ikinakasa para sa mga players ng Crispa at Toyota, ang dalawang premyadong koponan na kinagiliwan ng mga long-time PBA fans mula Dekada 70 hanggang sa kanilang pag-alis sa pinakaunang professional basketball league sa Asya.
Ibinahagi ito ni Gil Cortez, ang kaunaunahang Rookie of the Year sa PBA, na naglaro nang halos dalawang taon sa Toyota.
“It all started when we had our reunion. Sayang, wala pa noon si Francis (Arnaiz) nasa States pa siya noon. Pero nagkita sila nina Mon, Andy (Fields)_ and Ricky Relosa. I called up Mon, ‘why don’t we do a Toyota reunion’? Then he said, ‘O, sige, I’ll be in Manila ganitong date, February’. So we had our own reunion.”
“It was successful enough and we thought of inviting Crispa. Sinabi ko rin kay Osbok (Dante Silverio) and sa mga kasamahan namin sa Toyota, na hindi na kami bumabata. It’s about time that we reunite.”
Mahigpit na magkaribal ang dalawang koponan, na madalas pa ay nauuwi sa suntukan.
Isa sa pinaka-grabeng pangyayari ay noong opening game ng 1977 PBA season kung saan nagkaroon ng free-for-all habang papalabas na sa kani-kanilang locker rooms ang magkabilang koponan.
Black eye, mga pasa, putok sa ulo ang inabot ng ibang mga players at maging ang kani-kanilang mga taga-suporta ay nakihalo sa kaguluhan.
Panahon pa ng Martial Law noon, kung kaya ayaw ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang ano mang klase ng kaguluhan at tensiyon.
Kaya naman nang minsan silang inimbita sa Camp Crame para magpaliwang, hindi pinalagpas ni General (Prospero) Olivas ang kanilang mga kalokohan, kung kaya naman ikinulong ang mga players.
Pero tila ginamot ng panahon ang kanilang mga iringan. Naging magkakakampi ang dating magkakalaban katulad nina dating Toyota star Robert Jaworski na kinuha sa kanyang koponan na Anejo sina Crispa stars Philip Cezar at Freddie Hubalde, habang naging kakampi rin ni Hubalde at isa pang dating Crispa player na si Padim Israel si Fernandez, ang premyadong sentro noon ng Toyota.
Maraming magkaribal ang naging magkakaibigan.
Tapos na sila sa iringan. Panahon na para maging magkakaibigan at yun ang adhikain ng reunion na ginawa lang kamakailan at uulitin sa mas malaki, at mas engrandeng selebrasyon sa Disyembre.
“In our first reunion, nakarating sa Crispa sina Freddie, Atoy Co and Philip. Nagusap-usap na kami and we’re thinking of a grand reunion this December, hopefully, it will push thru. Nag-usap na rin kami ng PBA. Atoy is representing Crispa, ako naman representing Toyota, and we had meetings with the PBA and TV 5,” ang sabi ni Cortez.
“Doon sa binabalak namin, ang daming nagtatanong, yung iba matatanda na makakasalubong mo sa mall, magtatanong about sa grand reunion. It’s in the making. Kaya tinanong ko si Francis and at least, he will stay until December.”