Inaprobahan ng Commission on Appointments kahapon ang ad interim appointment ni Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. bilang kalihim ng Department of National Defense.
Bago ang kanyang kumpirmasyon, iniligtas ng 12-member House contingent ng makapangyarihang CA si Teodoro mula sa pagtatanong bilang “courtesy” sa Defense chief na dating nagtrabaho bilang kinatawan ng 1st district ng Tarlac.
Ayon kay Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte, ang 12-member House of Representatives contingent ay hindi na magtatanong tungkol sa nominado sa pagiging dating miyembro ng Kongreso sa tatlong magkakasunod na termino sa 11th, 12th, at 13th Congress.
Idinagdag ni Villafuerte na ang House contingent ay “walang pagdududa hinggil sa fitness at integridad ng nominado”.
Umapela siya sa kanilang katapat, ang Senado na ibigay ang parehong courtesy kay Teodoro.
Mula sa 12-member Senate contingent, tanging si Senator Risa Hontiveros lang ang nagtanong kay Teodoro.
Kinuwestiyon ni Hontiveros si Teodoro tungkol sa kanyang mga plano para sa DND, na ngayon ay nasa ilalim ng kanyang pagbabantay sa pangalawang pagkakataon.
Binigyang-diin ni Teodoro ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kakayahan ng bansa na tumugon sa panlabas na lakas at hindi lamang umasa sa diplomasya.
Ngunit kailangan din aniyang gamitin ang mga kaalyadong bansa upang palakasin ang kakayahan ng Pilipinas na protektahan ang sarili mula sa mga panlabas na banta.