Nagsimula akong magtrabaho sa government television network noong dekada ‘90.
Mapalad ako dahil mababait ang mga naging boss ko sa pangunguna ng dating News Manager nito na si Rodolfo “ Rudy” Aquino.
Nakita niya agad ang kahinaan ng isang bagong reporter na tulad ko na hindi naman naging dahilan para tanggalin ako.
Sa halip ay tinuruan niya ako kung paano kumuha ng mga detalye para makabuo ng isang balita .
Dahil sa motibasyon na natanggap ko, umiral sa akin ang disiplina para gawin ng maayos at tama ang aking trabaho.
Hindi ako nagreklamo sa dami ng coverage na ibinigay sa akin kahit minsan naramdaman ko ang matinding pagod at stress.
Nagsilbi rin itong hamon sa akin dahil marami pa akong dapat matutunan para tumagal sa industriya.
Nasa isip ko kasi na hindi nila ako bibigyan ng coverages na alam nila na hindi ko kayang gawin.
Ilan sa news supervisors ko na tahimik na masungit pero mababait ang tumulong sa akin para mahasa ako hindi lamang magsulat kundi pati na rin ang humarap sa camera para sa isang live report .
Isa kasi ang TV station na dati kong pinaglingkuran ang agad nagkaroon ng Outside Broadcasting o OB VAN , isa itong television production truck para makapag broadcast live sa labas ng isang regular TV studio .
Minsan halos hindi na ako nakagawa ng script dahil kailangan nang pumasok sa ere, hindi na nakapagsuklay sa harap ng camera habang sinisilip sa notebook , yes notebook hindi pa sa celfone, ang mga isinulat na detalye at tuloy tuloy lang sa paghahatid ng balita.
Hindi naman naging madali ang proseso , wala kasing Take 2 kapag nagkamali ka sa Live Coverage.
Nakagawian ko na rin ang mag-research sa tuwing magkakaroon ng malalaking news events katulad ng State of the Nation Address o SONA.
Hanggang masanay ako na kabilang na ang “mag- annotate “ ng mga pangyayari sa mga special events at Presidential Coverage.
Pero ang pinakamahirap at pinaka-importante sa lahat para sa isang mamamahayag ay ang pangangalap ng detalye o impormasyon para mabuo ang patas na balita.
May pagkakataon hindi ko halos malapitan para ma- interview ang nagdadalamhating magulang dahil sa trahedyang sinapit ng anak .
Hindi ko rin alam kung ano ang tamang salita para sa isang sundalo na, nasagip mula sa isang engkwentro.
Hinawakan ko na lang ang kanyang kamay at naramdaman ko ang pananatili ng tapang niya sa gitna ng panganib sa buhay.
May insidente rin na nagtiyaga ako maghintay para sa isang interview.
Kailangan rin intindihin lalo ‘t alam mong busy ang iyong subject .
Respeto sa lahat ng tao sa inyong paligid.
Kapag may disiplina at sistema sa trabaho magkakaroon ng kumpiansya sa iyo ang mga tao.
Bukod pa ito sa kumpiyansya mo sa iyong sarili para sa maayos na trabaho.
Lagi kong tinatandaan na bibihira lamang ang nabibigyan ng pagkakataon para maghatid balita o impormasyon sa publiko.
Nasa kamay ng isang mamamahayag ang tungkulin na maibigay ang totoong impormasyon na dapat malaman ng mamamayan.