Inihayag ng Department of Migrant Workers nitong Lunes na tinututukan nila ng husto ang kalagayan ng mga manggagawang pinoy sa Morocco na apektado sa malakas na lindol.
Sinabi ni DMW acting Secretary Hans Cacdac, sa kasalukuyan ay nananatiling walang pinoy casualties na naitala ang mga otoridad ng Morocco at maliban umano sa kanilang Labor Attache sa Morocco, nakipag-ugnayan na rin ang DMW Department of Foreign Affairs upang magtulungan sa pagbabantay sa kalagayan ng mg OFWs.
Sinabi rin ni Cacdac na magpapatuloy pa rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Morocco, sa likod ng malang naitalang mga pinoy workers na naapektuhan.
Batay sa talaan ng DMW, mayroong humigit kumulang 4,600 na mga Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa naturang bansa.
Karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho bilang mga skilled workers, household workers, at mga guro.
Sa paunang ulat, sinabi ng Philippine Embassy sa Morocco ngayong araw na walang mga Pilipino ang nasawi matapos tumama ang malakas na lindol sa Morocco noong gabi ng Biyernes.
Ayon kay Philippine Ambassador to Morocco Leslie Baja, walang seryosong naapektuhan mga Pilipino na nasa North African country dahil ayon sa envoy agad na nakalabas ang mga Pilipino mula sa kanilang bahay at apartments patungo sa mga kalsada para humanap ng ligtas na lugar.
Sinabi din ng PH envoy na agad tinawagan ng embahada ang mga area coordinator upang suriin ang sitwasyon ng mga Pilipino sa buong Morocco matapos ang pagtama ng 6.8 magnitude na lindol.
Tiniyak naman ng embahada na nakaantabay sila kasama ang migrant office sa Rabat at makikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs kaugnay sa anumang tulong na maaaring maipaabot sa mga Pilipino doon.
Nag-abiso naman ang Embahada sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong na tumawag lamang sa kanilang hotline at social media accounts.