Inamin ng social media influencer na si Zeinab Harake na talagang nahirapan siya at kabado talaga sa kanyang first-ever acting project matapos sumabak sa ilang acting workshops.
Kasama kasi si Zeinab sa horror thriller film at isa sa official entries ng upcoming Metro Manila Film Festival (MMFF) na pinamagatang “(K)ampon” na pinagbibidahan nina Beauty Gonzales at Derek Ramsay.
Inamin ng vlogger na nahirapan siya sa pelikula at iniyakan pa nga raw niya ito.
“Sobrang hirap niya, talagang umiiyak ako para sa preparation nitong movie,” sabi ni Zeinab. “Hindi naman ganun kababad ‘yung part ko doon pero the way na ineffortan siya ng management ko at ng sarili ko.”
“Talagang puyat-puyat ako rito, hinati-hati ko na yung katawan ko rito para lang mapaghandaan ko yung project na ‘to,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Zeinab na talagang bigay na bigay siya sa kauna-unahan niyang pelikula dahil ayaw niyang madismaya ang mga sumusuporta sa kanya.
“Kasi, ayaw ko nga pong may mapahiya na mga taong naniniwala sa akin,” sambit ng vlogger. “Sila talaga ‘yung tinitingnan ko. Ayaw kong ma-disappoint ‘yung mga taong naniniwala pa rin sa akin na may kaya naman talaga akong ibuga.”
Nabanggit din ng content creator na matagal nang may lumalapit na offers sa kanya, pero tinatanggihan lang daw niya ito dahil wala pa raw siyang tiwala noon sa kanyang sarili.
Nakwento rin ni Zeinab na ilang beses na siyang sumubok sa showbiz bago pa siya maging vlogger, ngunit lagi raw siyang hindi nakakapasa sa auditions.
“Noong pinasok ko ang vlogging, maraming doors na nag-open. Two years nga akong hindi talaga tumatanggap ng any project sa showbiz,” sabi ni Zeinab. “Thankful naman ako. Hindi sa maarte ako, alam ko lang that time na hindi ako sigurado. Ayaw ko naman sumugal ng hindi ako sigurado.”
“Ngayon kasi, alam kong kaya ko na siyang mapaghandaan, kaya ko na siyang panindigan,” dagdag niya.
Kung maaalala, inamin ni Zeinab sa naging interview with King of Talk Boy Abunda na desidido na siyang pasukin ang mundo ng showbiz.
Ilan lamang sa naging paghahanda niya ay ang pagpasok sa acting workshop ni Ana Feleo.
Ibinunyag rin niya kay Tito Boy na ang talent agency na Aguila Entertainment ang kasalukuyang nagma-manage ng kanyang karera sa showbiz.
Nangako pa nga noon si Zeinab na gagawin niya ang kanyang makakaya sakaling mabigyan ng proyekto.