Ilang mambabatas ang nagnanais na amyendahan ang Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022 matapos lumabas sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022 na may ilang barangay sa Marawi na bagamat naapektuhan ng siege ay hindi naisama sa mga barangay na dapat may kompensasyon.
May mga dapat tumanggap din ng kompensasyon gaya ng mga dating hostage victims pero hindi rin sila naisama.
Sa update ni Marawi Compensation Board Chairperson Atty. Maisara Dandamun-Latiph, noong Hulyo 4, 2023 umano ay nagsimula na silang tumanggap at magproseso ng claims at mula noon hanggang Agosto 31 ay nasa 4,762 o 19.58 porsyento na ang nakapag-file ng claim na may estimated value na P17,456,836,830.
Hanggang Disyembre 2023, inaasahang aabot sa 23,489 ang bilang ng mga maghahain ng claim.
Una umanong babayaran ang mga death claim kung saan nasa 56 na ang kanilang natanggap habang sa mga istruktura ay nasa 63 at sa personal property claims ay nasa 1,315.
Ang mga may multiple claim naman kasama na ang bahay at iba pang properties sa loob ng bahay ay 2,936.
“Dapat mag prioritize tayo, halimbawa yung structure pati yung death unahin, pero i-process pa rin natin yung individual…Baka mamaya very challenging yung individual para hindi lang maipit ibang claims,” saad ni Basilan Representative Mujiv Hataman.
“May challenge talaga yung personal claims…Siguro maganda may order of prioritization kayo na unahain natin structures bago itong mga individual dahil, mag down kayo talaga dyan hindi natin kakayanin talaga,” sabi naman ni Senador Ronald dela Rosa.
Problema din ngayon ng MCB ang kakaunti nilang tauhan na nasa 40 lang kaya limitado ang napoproseso kada araw.
Sabi naman ng Office of Civil Defense, nasa 11,000 ang mga struktura na nasira at sa bilang na ito 4,310 ang na validate na at nagkakahalaga ng P12.17 bilyon.
Nakiusap naman ang MCB na bigyan din tulong ang mga na hostage noong kasagsagan ng Marawi siege.
“Three hundred po ‘yung hinostage at pagkatapos po nun may naka-survive po na mangilan-ngilan lang. ito pong survivor kailangan po talaga bigyan natin sila ng atensyon, dahil ito pong kanilang nakita at na witness kahit kami hindi makapaniwala sa nangyari habang nandoon sila sa loob ng limang buwan,” paliwanag ni Atty. Maisara Dandamun-Latiph, chairperson ng MCB.
Sa pagdinig, wala naman nakasagot kung bakit hindi isinama sa most affected area ang Barangay Bubonga, Marawi.
“There a move by this committee to amend the law maybe we can also expand the coverage the areas to be considered as areas na iko-compensate yung mga residente doon,” saad ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong.
Isa rin sa nakikitang problema ay ang limitadong budget ng MCB kung saan ngayon ay nasa P1 bilyon lamang.