Inihayag ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go nitong Lunes na hinihikayat umano ni dating Pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo na maging “active” dapat muli si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pulitika.
Sa isang FB post ng senador, ipinakita nito ang larawan ng umano’y naging “informal” meeting ng dalawang dating Pangulo ng bansa kasama sina dating Senate President Vicente Sotto III, at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
“Isang simpleng kamustahan at masayang pagkikita ang nangyari kasama ang mga pinunong naglingkod sa bayan sa iba’t ibang posisyon o kapasidad noong mga nakaraang administrasyon. Nagbalik-tanaw sila sa mga panahong nagkasama sila sa gobyerno,” ayon sa caption ni Go.
“Sa nasabing pagkikita, kinukumbinsi din ni dating pangulong Arroyo si dating pangulong Duterte na maging aktibo muli sa pulitika,” dagdag pa ng senador.
Sinabi pa ni Go na inimbitahan ni Arroyo si Duterte sa isang “informal” meeting sa pamamagitan ng isa nitong tauhan at nagkataon naman na nasa Maynila rin umano si Duterte.
“Inanyayahan ni dating pangulong Gloria Arroyo, sa pamamagitan ng kanilang mga staff, sa isang impormal na pagkikita si dating pangulong Rodrigo Duterte na nasa Maynila noong panahong iyon. Nagkataong magkasama kami ni Tatay Digong noon matapos ko siyang samahan sa kanyang medical checkup sa hospital, gaya ng dati kong ginagawa sa kanya,” saad ni Go.
“Dahil bihira lang naman na pumunta sa Maynila sa ngayon si dating pangulong Duterte, sumabay na rin sa pagkikitang iyon, sa tulong ni dating executive secretary Salvador Medialdea, si dating Senate president Tito Sotto na gusto ring makamusta ng personal ang kanyang itinuturing na kaibigan na si Tatay Digong,” sabi pa ni Go.
Bukod kina Duterte at Sotto, nakasalamuha rin ni Arroyo sa isang pang pagtitipon si dating Vice President Leni Robredo.
Sa inilabas na pahayag ni Arroyo, sinabi niya nagkasama sila ni Robredo sa isang “social dinner,” na kasama rin ang mutual friends nila mula sa Bicol.
“We chatted about Bicol politics,” saad ni Arroyo.