Magbabalik ang beteranong gwardya na si LA Tenorio sa Gilas Pilipinas, hindi para maglaro, kung hindi para tumulong sa coaching staff na pamamahalaan ni Tim Cone sa darating na Asian Games sa Hangzhou, China.
Itinalaga si Tenorio bilang kahalili ni Cone sa coaching staff ng bagong tema manager ng koponan na si Alfrancis Chua.
Nakatakdang magbalik-aksyon si Tenorio sa parating na bagong season ng PBA sa Oktubre, pero mas unang pagsisilbihan ng eight-time champion ang ating national team sa quadrennial meet na lalaruin mula 23 ng Setyembre hanggang 8 ng Oktubre.
May dalawang Linggo na lang ng paghahanda ang koponan kung kaya naman mas minabuti ni Cone na pawang mga PBA players na lang ang palaruin sa Asian Games.
Hindi makakapaglaro sa Asaid ang mga international players ng Gilas gaya nina Dwight Ramos, Kiefer Ravena, AJ Edu, Kai Sotto, at Rhenz Abando dahil magbubukas na ang liga na kanilang nilalaruan – ang Japan B. League at Korean Basketball League.
Dating naglaro sa Gilas si Tenorio.
Siya ang naging bayani noong 2012 kung saan nasungkit ng Gilas Pilipinas ang kampeonato laban sa Estados Unidos sa William Jones Cup.
Nang sumunod na taon, naglaro naman si Tenorio para sa Gilas sa 2013 FIBA Asia Championship kung saan tinulungan niya ang koponan na makarating muli sa world basketball stage sa kaunaunahang pagkakataon matapos ang 40 taon.
Bago man ang papel ni Tenorio sa Gilas ngayon, malaki pa rin ang magiging kontribusyon ng guwardya ng Ginebra sa mga mas batang players ng koponan kung saan maibabahagi niya ang kanyang karanasan sa paglalaro sa national team.
Hindi ito ang unang sabak ni Tenorio sa coaching dahil kasama siya sa three-time champion Letran sa NCAA.
Huling nagsilbi naman si Tenorio bilang player ng Gilas noong 2019.