Naging emosyonal ang Vivamax sex siren na si Tiffany Grey sa presscon ng pelikulang Punit na Langit na ginanap sa Viva Café kamakailan.
Tulad daw kasi ng kanyang karakter sa pelikula na si Claudia, marami rin daw siyang pinagdaanan sa buhay.
Pero sa kabila ng kanyang mga dinanas na pagsubok, tulad daw ni Claudia ay hindi rin siya sumuko.
“Ang dami ko po kasing pinagdaanan hindi lang sa career ko kundi pati sa personal life…and because of that, doon ko nailalabas iyong pagiging emosyonal ko na nagamit ko po sa acting ko,” aniya.
Bilang isang Cebuana na nakikipagsapalaran sa Maynila, nakaramdam din daw siya ng separation anxiety mula nang mawalay sa kanyang pamilya na naninirahan sa probinsya.
“Feeling ko po, nag-iisa lang ako. Malayo po kasi ako sa family ko. Sa lahat ng pinagdadaanan ko, wala akong mapagsabihan. Wala akong makausap. Nagkaroon din po ako ng anxiety. Feeling ko kasi noon, walang sumusuporta sa akin. Pero naisip ko po, tulad po ng karakter ko, wala naman po akong kakapitan kundi ang sarili ko lang at ang faith ko lang, so kailangan ko pong maging survivor at maging matatag po,” lahad niya.
Bilang isang babae, she feels empowered din daw kapag nagagamit niya ang kanyang boses para ipagtanggol ang mga kabaro niya tulad ng kanyang karakter.
“Iyong pong magkaroon ka ng boses at magamit mo sa tamang paraan para ipagtanggol ang mga karapatan mo ay malaking bagay na po iyon,” lahad niya. “Dito po, nagamit ko siya dahil sa huli, na-redeem niya ang kanyang sarili after going through a lot from people who took advantage of her,” dugtong niya.
t bilang empowered woman off-cam, idolo raw niya si Nadine Lustre.
“Idol ko po si Nadine kasi she projects po a strong personality. Hindi po siya nagpapa-apekto sa bashers at napaka-natural po niyang tao. Wala po siyang paki sa bashers,” hirit niya.
Dagdag pa niya, kung mabibigyan daw ng pagkakataon ay gusto niyang makatrabaho ang Urian award winning actress.
“Nasa bucket list ko po siya kasi isa siya sa hinahangaan kong aktres,” bulalas niya.
Maituturing naman daw na langit para sa kanya na ma-recognize siya sa kanyang talento.
“Heaven po para sa akin iyong mapansin ako sa pag-arte ko kasi bata pa lang po ay pangarap ko na talagang mag-artista,” pagtatapos niya.
Si Tiffany ay unang napansin sa pag-arte nang maging nominado siya bilang best supporting actress para sa pelikulang My Father, Myself na naging kalahok sa 2022 Metro Manila Film Festival.
(pikapika.ph)