Ang dating GirlTrends member na si Krissha Viaje ang bida ngayon sa VIVA One at Wattpad original series na Safe Skies, Archer, ang Book 2 ng hit University series ni Gwy Saludes.
Thirty years old na si Krissha ngayon but unknown to many, nagsimula siya sa showbiz sa edad na 12 taon pa lamang at ito ay nang sumali siya sa singing search na Little Big Star ng ABS-CBN.
“Singer po kasi talaga ‘ko. Pero hindi po kasi ako tuloy-tuloy. In and out po ako sa career ko sa showbiz,” panimulang kuwento niya sa amin after ng cast reveal presscon proper ng Safe Skies, Archerkamakailan.
Pag-aaral daw ang dahilan kung bakit hindi niya nagawang magtuloy-tuloy. Pero tuwing may opportunidad, gina-grab pa rin naman daw niya hanggang sa mas nag-pokus na siya sa showbiz kesa sa pag-aaral.
“For some reason, every time na magkakaroon ng opportunity, I leave school. Parang dito ‘ko masaya talaga. Kahit anong gawin ko, kahit iwan ko ‘to, bumabalik po talaga ‘ko.”
Pero naibahagi rin ni Krissha ang tunay na dahilan kung bakit hindi n’ya natapos ang kanyang pag-aaral. Siya raw kasi ang tumayong breadwinner sa pamilya nila unexpectedly.
“Kasi po, napunta sa akin ang responsibility [ng pag-provide sa pamilya],” pagbabalik-tanaw n’ya. “Twenty’s naman na ‘ko no’n and naisip ko, walang choice. Ako na ‘to. Ako na ang aako nito kasi, ako po ang panganay.”
Apat daw silang magkakapatid na naiwan sa poder ng nanay nila nang iwan sila ang kanyang ama.
“Noong naiwan po kami, walang savings and everything. Napalayas po kami, to the point na gano’n po talaga.”
We probed further kung bakit siya nalagay sa ganoong sitwasyon.
“May iba po ang father ko po…”
Family?
“Not family. Ano lang po, hanggang ngayon…”
May kabit in short? Direktang tanong namin.
“Yes po,” natawang sagot pa niya. “Pero ano naman po, nakapag-usap na po kami. Matagal na po kaming hindi nag-uusap ng dad ko. Kasi ano, medyo sugat talaga sa akin ‘yon.
“Inisip ko na lang, okey na lang din. Siguro, hindi na niya talaga ‘ko responsibilidad. But then, s’yempre, ‘yung mga kapatid ko, sa akin naka-asa.”
(pikapika.ph)