Naiyak na lang ang isang lola nang mapilitan siyang ibenta ang alaga niyang kalabaw na 30 taon niyang naging katuwang sa pag-aararo.
Pero kailangan niya itong gawin para matustusan ang kaniyang mga sakit at ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Makita pa kaya ni lola ang alaga na parang anak na ang turing niya?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita ang nag-viral na larawan ng 67-anyos na si Lola Mary Jane Ledason habang yakap at iniiyakan ang alaga niyang kalabaw na si Doro sa Rodriguez, Rizal.
“Nakiusap ako sa kaniya na ‘Sumakay ka na roon. Maraming salamat sa ilang taon mong serbisyo sa amin,’” mensahe ni Lola Mary Jane kay Doro.
“Para siya makasakay, niyakap ko siya, binulungan ko siya ‘Sige magpakabait ka lang doon sa patutunguhan mo.’ Doon lang siya nakaakyat talaga no’n sa sasakyan,” kuwento pa niya.
Nanggaling ang pangalang Doro mula sa “Teodoro Manuel,” ang may-ari ng lupa na nagregalo ng naturang kalabaw kina Lola Mary Jane at sa mister niyang si Diego.
Naging katuwang nila sa loob ng halos tatlong dekada si Doro sa paghahakot ng mga kamoteng kahoy at pag-aararo sa kanilang palayan.
“Parang anak ko na siya, dahil ‘yun lang talaga ang nakakatulong sa akin,” sabi ni Lola Mary Jane.
Kasa-kasama pa nila si Doro kapag naliligo ang pamilya sa ilog. Maituturing ding best friend ng kalabaw si Tatay Diego.
Ayon kay Lola Mary Jane, may mga insidente na nahuhulog si Tatay Diego sa karitela dahil sa kalasingan. Pero hindi raw umaalis si Doro at hinihintay nito na bumangon ang kaniyang mister para sabay ang dalawa na makauwi.
Nang inatake si Tatay Diego noong 2019, isa rin si Doro sa mga tumulong para mahila ang kaniyang mister papunta sa ambulansiya. Sa kasawiang palad, wala nang buhay nang makarating sa ospital si Tatay Diego.
Bago mamaalam, inihabilin ni Tatay Diego kay Lola Mary Jane na ingatan si Doro at huwag ibebenta.
Ngunit tila mailap ang suwerte sa pamilya lalo na nang nagkaroon ng mga sakit si Lola Mary Jane gaya ng diabetes, high blood at na-stroke pa.
Plano ni Lola Mary Jane na mangutang para matustusan na rin ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Ngunit walang nagpautang sa kaniya. Kaya kahit labag man sa kaniyang kalooban, naisip niyang kailangan na niyang ibenta si Doro.
“Nanghihinayang ako, dahil sa bait niya nga. ‘Pag naaalala ko ‘yung asawa ko, [naaalala] ko si Doro na ikaw na ang katuwang ko sa hanapbuhay,” sabi ni Lola Mary Jane.
Hanggang nitong Agosto 24, nakahanap na si Mary Jane ng buyer at naibenta si Doro sa presyong P68,000.
Bagama’t nakatulong ang nakuhang pera sa kaniyang mga anak, hindi pa rin nawawala sa isipan ni Lola Mary Jane si Doro.
“Hinahanap ko siya, akala ko andoon pa siya nakatali. Malungkot dahil wala na akong babatakin na kalabaw. Nagsisisi ako na ibenta dahil ngayon nga wala na akong katuwang sa paghahanapbuhay,” sabi ni Lola Mary Jane.
“Gusto ko sanang maibalik si Doro para ‘yung pag-iyak ko araw-araw mahinto na. Dahil parang mamamatay na ako kapag hindi ko makita si Doro,” sabi ni Lola Mary Jane.
Dahil dito, humingi ng tulong si Lola Mary Jane para matubos niya si Doro at muli niyang makapiling.