Kung saka sakaling gagaling sa tamang panahon si Justin Brownlee, malamang na magsanib-pwersa sila ni Ange Kouame at palakasin ang front court na tila numipis nang roster ng Gilas Pilipinas.
Kalahati sa koponan na naglaro sa FIBA World Cup ang hindi na muling makakasama sa paparating na Asian Games sa Hangzhou, China, kabilang dito sina National Basketball Association star Jordan Clarkson, mga premyadong players ng Japan B. League na sina Dwight Ramos, Kiefer Ravena, AJ Edu at Kai Sotto.
Alanganin rin na makasama sa koponan si Rhenz Abando na isa ring international player na naglalaro para sa defending Korean Basketball League champion na Anyang KGC.
Ibig sabihin nito, ang matitira na lang mula sa mga World Cup campaigners ay ang mga star players ng Philippine Basketball Association na sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, CJ Perez, Jamie Malonzo at Roger Pogoy, pero maaring maidagdag sa kanila sina Calvin Oftana at Chris Newsome, dalawang players na hindi napasama sa final roster ng Gilas para sa pinakamalaking tournament sa buong mundo.
Sa initial na line up na na-submit ng Philippine Olympic Committee sa organizers ng Asian Games, magkasama sa line up sina Kouame at Brownlee kasama sina Fajardo, Aguilar, Thompson, Malonzo, Pogoy, Oftana, Newsome, Perez, pero kasama rin dito si Kiefer Ravena at Brandon Ganuelas-Rosser.
Pero maaring iba ang sitwasyon ng ibang players na nabanggit katulad na lamang ni Brownlee at ni Ganuelas-Rosser na pawang nagpapagaling pa sa kani-kanilang injuries habang malabo namang makasama si Ravena dahil magsisimula na ang bagong season ng B. League.
Kagagaling lang sa opera ni Brownlee kung saan inalis ang bone spurs sa kanyang paa habang may fractured tibia naman si Ganuelas-Rosser.
Ang fractured tibia ay katulad ng injury na tinamo ni Fajardo may halos tatlong taon na ang nakalilipas kung saan walo hanggang 12 buwan siyang kailangang magpagaling.
May pagbabago rin sa coaching staff ng Gilas dahil kabibitiw pa lamang sa kanyang tungkulin ni head mentor Chot Reyes at wala ring interest manatili sa coaching staff si Tim Cone kung sakaling aalis na ang kanyang kaibigang coach.
Inaasahan natin ang ilang pagbabagong mangyayari sa line up na isinumite ng POC dahil sa Huwebes ay magkakaroon ng press conference ang PBA para ianunsiyo ang mga players na maglalaro at coaches na gagabay sa Gilas.
Pero kung mayroon mang kapanapanabik dito ay ang posibleng tambalan nina Brownlee at Kouame at sa panhong kinakailangan nila presensya ng mga malalaki at mga matitikas na players bunga ng pagkawala ng mga Pinoy international players, malaking tulong ang maibibigay ng dalawnag naturalized players na ito.
Halos tatlong Linggo na lang ang preparasyon, pero ang kangandahan sa mga players na nabanggit, hindi na sila bago sa isa’t-isa dahil naging parte sila ng Gilas pool na nag-train ng mahigit dalawang buwan.
Maski sino mang coach ang humawak sa kanila, hindi na maninibago ang mga players sa laro ng bawat isa at ang coaches na lang ang kinakailangang mag-adjust sa mga players.