Ipinahayag ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera III kahapon ang kanyang matinding pagtutol sa panukala ni Finance Secretary Benjamin Diokno na salain ang mga estudyante, sa pamamagitan ng isang nationwide test, para maging kuwalipikado sila sa libreng edukasyon sa kolehiyo sa state universities and colleges (SUCs).
Sa panayam ng ANC, sinabi ni De Vera na ang admission test tulad ng UPCAT o University of the Philippines College Admission Test ay maaaring maging “disastrous” kung gagawin ito sa ibang state universities and colleges (SUCs) sa bansa.
Nauna nang sinabi ni Diokno, na nagsilbi bilang budget secretary at central bank governor noong nakaraang administrasyon, na ang Universal Access to Quality Tertiary Education Law (UAQTE) o libreng edukasyon sa kolehiyo ay isang “unsustainable and anti-poor” program.
Dagdag pa niya, mas dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapabuti ng sistema ng edukasyon sa bansa kung talagang nais nitong iangat ang buhay ng mga mahihirap.
Nagmungkahi rin ang DOF chief ng pagsusuri sa libreng edukasyon sa kolehiyo, na tinatawag itong “maaksaya.”
“Ito ay (screening test para sa libreng edukasyon sa kolehiyo) ay magiging mapaminsala,” sabi ni De Vera.
Sinabi ni De Vera na ang mga pumasa sa UPCAT ay mga mag-aaral mula sa medyo mas mayayamang pamilya mula sa urban areas na may pera upang mag-enroll sa mga review class, na mas handang pumasa sa admission test.
Sinabi niya na ang mga pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo ay dapat na mas tumutok sa equity upang mas maraming mahihirap na mag-aaral ang mabigyan ng pagkakataong maka-avail ng libreng college education program.
“Hindi ba dapat nating bigyang-diin ang katarungan sa mas mataas na edukasyon?” sabi ni De Vera.
Sa ilalim ng batas, ang mga mahihirap na estudyanteng Pilipino ay bibigyan ng pagkakataong makapag-enrol sa mga state-run universities sa pamamagitan ng libreng tuition at exemption sa iba pang bayarin, basta’t makapasa sila sa entrance exams at matugunan ang retention requirements.