Inalala ng aktres na si Jane de Leon ang ika-8 taon ng pagkamatay ng kanyang amang si Rouel de Leon at kahit pa matagal nang panahon ang lumipas, aminado ang dalaga na talagang nagiging emotional siya kapag naaalala ang ama.
Sa kanyang social media, muling nagbigay-pugay ang dalaga sa yumaong ama kalakip ang kanyang throwback photo na kuha noong baby pa siya kung saan magkasama sila ng ama.
“It’s your 8th Year Death Anniversary Papa Rouel. I miss you terribly lalo na po yung mga bonding moments natin. Wish you’re still here with us specially now that God gave us opportunities and blessings that we want to share with you sana because you deserve it.
“But alam ko po that God allowed things to happen for a reason. Basta Papa just remember, na mahal na mahal po kita,” mensahe ni Jane sa kanyang tatay.
Kung matatandaan, namatay ang ama ni Jane noong August, 2016 matapos itong makipaglaban sa lung cancer.
“Actually po si Papa, he already passed away. And ‘yun nga po ‘yung nakakalungkot kasi hindi nung namatay si dad, hindi ko man lang siya nalibre sa mga restaurants. Hindi man lang niya po naabutan kung nasaan po ako ngayon,” ang pahayag ni Jane sa YouTube vlog ni Ogie Diaz.
“Kahit ‘yung donut nga lang, favorite niya po kasi ‘yun. So, kung nabubuhay po si Papa ngayon, kahit isang buong branch pa po yata ng donut ibibigay ko sa kanya. Gusto kong ipa-experience po sa kanya lahat ng sarap ng buhay na meron kami ngayon ni Mama,” dagdag niya.
Inamin din ng dalaga na hindi masyadong agree ang ama sa pagpasok niya sa showbiz.
“Actually si Papa, ayaw niyang mag-artista ako. Number one basher ko po ‘yun. Kasi palabas daw po lagi ‘yung pera. Parang, ‘Wala man lang bayad ‘yang in-audition niyo.’ Puro na lang palabas ‘yung pera, pamasahe na naman.’ Tapos dumating sa point na kailangan namin magtago ni Mama. Lalabas kami ng bahay, dapat hindi niya kami makikita kasi mag-o-audition ako,” pag-alala pa ni Jane.
“Simula nung nawala si Papa, parang ako na po ‘yung pumalit na head of the family. Ngayon sobrang naramdaman ko na po kung bakit ganun siya, kasi parang nagiging ganun na rin po ako. Hindi naman sa nagiging matigas, pero parang kailangan kong maging strong for my family. Kailangan kong maging malakas para sa kanila,” sabi ni Jane.