MAITUTURING na bungal na tigre ang United Nations at walang magagawa upang pasunurin ang China sa 2016 arbitral ruling na nagbasura sa nine-dash line ng Beijing.
Iyan ang pinakamalaking problema ng Pilipinas at maging ng mga karatig bansa na may territorial dispute ang China, ayon kay political analyst at UST Political Science Professor Marlon Villarin sa programang “Hot Patatas” sa Daily Tribune Facebook page at Youtube channel.
Maaari lamang aniya magkondena ang General Assembly o gumawa ng rekomendasyon laban sa isang bansang inireklamo at isumite sa SEcurity Council.
Ngunit kapag permanent member ng Security Council ang inireklamo, gaya ng China, may veto power ito na puwedeng lumusaw sa complaint.
At may mahigpit pang kakampi sa Security Council ang Beijing na maaari niyang maging kasangga para labanan ang reklamo sa kanya, ang Russia.
Kaya ngayon pa lang ay tiyak na sa basurahan pupulutin ang resolution na inaprobahan ng Senado na humihimok sa administrasyong Marcos Jr. na idulog sa UN General Assembly ang ginawang ilang beses na pandarahas ng China sa tropa ng Philippine Coast Guard at sa Pinoy fishermen.
Kung susumahin ang pandaigdigang problema, ito’y sina Chinese President Xi Jinping at Russian President Vladimir Putin.
Sila ang mga pasaway sa mundo, mga sungay na hindi kayang baliin ng UN.
Ano ang mainam gawin sa kanila?
Isolate sila ng buong mundo para matauhan at matutong sumunod sa international laws at makisama sa international community.