Inihayag ng Pilipinas na palalakasin nito ang kalakalan sa agrikultura sa bansang Egypt partikular na ang importasyon ng Egyptian citrus products ng Pilipinas at ang pagpasok naman ng Philippine agricultural at aquatic products na may malaking export potential, tulad ng niyog, pinya, saging, tuna at seaweed.
Sa isang pagpupulong na isinagawa sa pagitan ng Philippine Embassy sa Cairo kasama si Nolet Fulgencio ang Agriculture Attaché para sa Gitnang Silangan at Africa at 50 Egyptian officials, mga exporter at importers ng agricultural products sa St. Regis Hotel sa Cairo, pinuntirya ni Fulgencio ang mga detalye ng work plan para sa importasyon ng Egyptian citrus products papunta sa Pilipinas.
Ipinakilala niya rin ang Philippine agricultural at aquatic products na malaki ang potensyal sa mai-export patungo naman sa Egypt.
Nagpasalamaat naman si Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago sa mga opisyal at exporters na sumuporta sa inisyatibo at proyekto ng dalawang bansa para sa pagpapalakas ng kalakalan ng agriculture products sa pagitan ng Pilipinas at Egypt.
Noong Agosto 21, 2023, nagkaroon din ng meeting sina Bojer Capati, Economic Officer ng Philippine Embassy sa Cairo kasama muli si Nolet Fulgencio sa mga opisyal ng Egyptian Central Administration of Plant Quarantine upang mapag-usapan ang bilateral trade sa pagitan ng dalawang bansa.
Matapos ang meeting, sinundan naman ito ng site visit ng Gelila Packing House at Cold Storage sa Sadat City na inayos ng Egyptian Agriculture Export Council.