Kung may isang ahensya ng pamahalaan na nagpapahiwatig ng paghamak at kabuktutan kontra- Simbahan ng mga dukha, ito ay ang pag-uusig ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Rural Missionaries of the Philippines (RMP).
Sinabi iyan ng human rights group na Karapatan.
Matapos maitatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 70, ang NTF-ELCAC ay nag-aksaya na umano ito ng milyun-milyong pondo ng publiko para sa redtagging junket nito sa Europe na naninira sa mabuting pangalan at misyon ng RMP at iba pang non-government organizations (NGOs)
Ayon sa Karapatan, nang humingi ng legal na proteksyon mula sa mga korte si Sr. Elenita Belardo at iba pang tagapagtaguyod ng karapatang pantao ng RMP, isang kasong perjury ang isinampa laban sa kanya at sa iba pang tagapagtanggol ng karapatang pantao bilang ganti.
Itinuturing ng NTF-ELCAC ang kasong ito bilang kabilang sa mga “achievement” nito.
Sa panahon ng kapaskuhan noong Disyembre 2019, arbitraryong ipinatupad umano ng Anti-Money Laundering Council ang pag-freeze sa mga bank account ng RMP at RMP-NMR, na nag-iwan ng libu-libong benepisyaryo sa mga kanayunan at katutubo na walang suporta mula sa RMP.
Sa unang quarter ng 2020, nagulat ang mga madre at laykong manggagawa ng RMP nang malaman mula sa ibang mga source na ang kanilang mga pangalan ay kasama sa mga gawa-gawang kasong kriminal, nang walang angkop na proseso at batay sa mga perjured na testimonya.
Pagsapit ng 2021 at 2022, ang mga madre at lay workers umano ay sinampahan ng mga maling kriminal na pagkakasala sa ilalim ng Republic Act No. 10168, bukod pa sa kasalukuyang kasong civil forfeiture (aka state seizure of assets) laban sa kanila.
Hanggang ngayon, ang mga misyonerong ito sa kanayunan ay nahaharap sa lahat ng uri ng pag-uusig at higit pa.
Sa lupa, ang mga misyonero sa kanayunan ay walang tigil na pinagbabantaan at ginigipit, kasama ang ilang mga institusyong relihiyoso at nakabatay sa pananampalataya, kung saan ang NTF-ELCAC ang namamahala, naghihikayat, o nagpapahintulot sa mga ganitong gawain.
Para saan nga ba ang whole of nation approach ng NTF-ELCAC? Para ba ito gipitin ang mga mamamayang naghahayag ng mga kabuktutan ng pamahalaan?
Konting preno naman sana at pag-isipan mabuti na ang mga tunay na kaaway ng estado ay ang mga mandarambong na itinuturing na sariling pitaka nila ang kaban ng bayan.
Ninanakaw nila ang panggastos sana ng gobyerno para sa batayang serbisyo ng kanyang mga mamamayan.
“Alright Sir?”