Pault-ulit na lang itong nangyayari na hindi garantiya ang koleksyon ng mga talentadong players para maging sandata sa international competitions, lalo pa kung ang paglalabanan ay ang FIBA World Cup kaakibat ang pagnanasang makapsok sa minimithing Olympic berth.
Simula nang magpadala ang Pilipinas ng professional players sa international competitions noong 1990, hindi pa nagagawang magkampeon ng bansa sa anumang major tournaments gaya ng Asian Games at FIBA Asia Cup.
Masaya tayo na nakapasok sa kaunaunahang pagkakataon matapos ang 40 taon sa FIBA World Cup noong 2014, pero hindi natin matatawag na isa itong malaking achievement na maituturing dahil wala namang medalya na naiuwi ang bansa.
Tanging papuri lang at pansamantalang kasiyahan ang ating naranasan na makapasok sa World Cup pero wala pang national team ang nakakapaguwi ng karangalan simula nang huling dinomina ng Pilipinas ang Asian Basketball Confederation, ang dating pangalan ng FIBA Asia Cup.
Nilaro ito sa pagitan ng late December ng 1985 at natapos noong unang LInggo ng Enero ng 1986 kung saan tinalo ng Pilipinas ang China para sa gold medal at kuhain ang isa sa mga silya papasok sa 1987 World Championship sa Indianapolis.
Pero tila nabalewala ang magandang sinimulang programa bunga ng political situation sa bansa kung saan nagkaroon ng EDSA Revolution noong Pebrero 25, 1986 at lahat ng mga proyekto ng Marcos Administration ay inisang tabi.
Balik sa simula ang programa pero ilan sa mga miyembro ng dating Northern Consolidated Cement team na siyang nagpopondo sa national team mula noong early 1980s hanggang 1986, ang naiwan sa programa, tatlo rito ay sina Allan Caidic, Samboy Lim at Jerry Codinera.
Ang mga naiwang players ay sumanib sa papapusbong na mga stars ng national team na pawang binubuo noong araw ng mga amateur players at ginagabayan ng beteranong coach na si Joe Lipa.
Kabilang sa mga players na ito ay sina Alvin Patrimonio, Jojo Lastimosa, Ronnie Magsanoc, Eric Atamirano, at Dindo Pumaren.
Alam ni Lastimosa, na ngayon ay champion coach na ng TNT Tropang Giga, ang importansiya ng preparasyon.
Mas nanaisin niyang makita ang isang team na hindi gaanong hitik sa talento pero naglalaro ng todo bilang isang solidong koponan.
Batid ni Lastimosa na hindi makakaasa ang Gilas sa talento lang lalo pa na napakataas ng level ng kumpetisyon sa FIBA World Cup.
Naranasan niya ito maski pa noong siya ay star player pa ng Purefoods sa PBA na sa unang walong kumperensiya nila sa liga ay madalas silang pumapasok sa finals pero kinakapos at madalas tinatalo ng teams na hindi kasing talentado ng Hotdogs, pero mas solido ang paglalaro bilang isang koponan.
“I’ll take a less talented team that has cohesion than a talented team that is disjointed,” ang sabi ni Lastimosa.
Kailangan ng Gilas Pilipinas na maglaro ng mas solido bilang isang team, pero hindi nila agad itong nagawa dahil nga hindi nila nagawang makumpleto agad ang kanilang koponan.
Halos dalawang Linggo na lang bago magbukas ang FIBA World Cup bago nakasali sina NBA star Jordan Clarkson at Kai Sotto.
Kayang sumabay ng Gilas sa mas malalakas na koponan at nakita natin ito sa laro kontra Dominican Republic at Italy, pero hindi magawang makaalagwa ng ating national team pagdating sa pitpitang labanan.
Kailangan ng milagro para umabante tayo sa Paris Olympics at kaakibat ng dasal, mas mabuting pagisipan na rin ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang susunod na hakbang sa isa pang importanteng papalapit na international tournament – ang Asian Games.