Nangako ang liderato ng Senado na isusulong na maipasa ang panukalang batas para sa taas sahod sa Disyembre o bago matapos ang taong 2023.
Sa isang press briefing, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang cost of living sa buong bansa ay tumaas at kailangan aniya ng mga tao ng disenteng sahod para mamuhay ng maayos.
Bagamat hindi aniya kabilang sa prayoridad na panukalang batas ng Legislative Executive Development Advisory Council (Ledac) mahalaga aniya na magkaroon ng katayuan dito ang Senado.
Sa oras na maaprubahan sa mataas na kapulungan ng Kongreso, sinabi ng Senate leader na siya mismo ang aapela kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para ikonsidera ang naturang panukalang batas.
Umaasa naman ang Senador na magpapasa din ng parehong panukala ang counterpart nito sa Kamara upang sa gayon sa susunod na taon maging malaking regalo ito para sa ating mga kababayang Pilipino.
Ang isinusulong na taas sahod ni Sen. Zubiri ay karagdagang P150 para sa mga manggagawa sa pribadong sektor habang isinusulong naman ni Senator Ramon Revilla ang P12,000 na taas sahod para sa minimum wage earners sa gobyerno.