Labinlimang katao ang namatay sa sunog sa isang t-shirt printing shop sa Pleasant View Subdivision sa Tandang Sora, Quezon City.
Kabilang sa mga nasawi ang tatlong-taong gulang na bata, na apo ng may-ari ng bahay.
Inabot ng halos tatlong oras ang pag-apula ng sunog ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Itinaas ang first alarm noong alas- 5:44 ng umaga at idineklara namang fire out noong alas-8:04 ng umaga.
Ayon sa BFP, nasa unang palapag ng bahay ang printing at ang pagawaan ng t-shirt, kaya mabilis na kumalat ang apoy. Napag-alaman din na wala umanong kaukulang permit ang bahay para sa t-shirt printing na negosyo nito.
Karamihan sa mga namatay ay ang mga stay-in workers, kabilang ang magulang ng nasawing bata at ang may-ari ng bahay.
Ayon sa panayam ng ABS-CBN News kay Mariafe Parle, isa sa mga nakaligtas na stay-in worker, pahirapan umano ang paglabas ng bahay dahil umano sa laki ng apoy.
“Malaki na po yung usok, hindi na po makoya yung bahay… Nakahawak ako sa bakal at gumapang pababa, patalon sa kabilang bahay.”
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP para sa pinagmulan ng sunog.