Tila binuhusan ng malamig na tubig ang “ngitngit” ng Makabayan bloc sa administrasyong Marcos Jr., partikular sa Maharlika Investment Fund (MIF) nang pinalakpakan pa ang mabilis na paglusot ng panukalang PhP495 milyong budget ng Presidential Communications Office (PCO) sa House Committee on Appropriations.
Nang marinig nina Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep. Raoul Danniel Manuel na kasama sa kampanya ng PCO ang kontra sa red-tagging, hindi na nila ginisa ang PCO officials at pinalakpakan pa nang ianunsyo ni Deputy Speaker Sandro Marcos ang pagpasa sa komite ng panukalang PCO budget.
Si Sandro ang isa sa pangunahing may-akda sa kontrobersyal na MIF na mariing tinututulan ng ilang personalidad at grupo dahil hindi umano makatutulong sa pag-angat ng kabuhayan ng mga pangkaraniwang Pinoy.