Mga laro ngayong Miyerkules
10 a.m. – FEU vs Perpetual Help (men’s)
12 noon – EAC vs UST (men’s)
2 p.m. – UE vs Perpetual Help (women’s)
4 p.m. – FEU vs Lyceum (women’s)
Away magkapit-bahay ang matutunghayan sa V-League Women’s Collegiate Challenge kung saan magtatapat ang University of the East at Far Eastern University ngayong Miyerkules sa Paco Arena sa Maynila.
Matapos walisin ang Lady Stags ng San Sebastian nitong Biyernes, babanggain ng Lady Warriors ang Perpetual Help na galing rin sa impresibong panalo laban sa Lyceum Lady Pirates at itala ang ikalawang panalo sa tatlong laro.
Maghaharap ang UE at Perpetual sa ganap na 2 p.m.
Ayon kay UE coach Jerry Yee, inaasahan nya ang kanyang mga pambato na sina Jelai Gajero, Casiey Dongallo, Keshia Famulagan, Kizzie Madriaga at Christine Ecalla, na pumagitna at ipagpatuloy ang solidong paglalaro ng Lady Warriors.
Pero sa laban kontra Perpetual, kailangan ng mga susi ng koponan ng tulong mula sa iba pang kasama sa torneong ito na inorganisa ng Sports Vision.
“Yung starting unit okay naman and nagkaka-consistency but we still have to develop ang depth namin — yung second at third six,” ang sabi ni Yee.
Hangad naman ng Lady Tams ng FEU na makopo ang panalo at mataas ang kanilang kumpiyansa na magagawa nila ito laban sa Lyceum Philippine U Lady Pirates sa kanilang 4 p.m. na enkwentro.
Mas kailangan naman ng Lyceum ang panalo matapos sumasadsad sa ikatlong sunod na pagkatalo.
Para kay interim FEU head coach Manolo Refugia, isang magandang pagkakataon rin para sa koponan ang ma-develop ang skills ng mga iba pang manlalaro.
“Hindi kami hihinto sa ginagawa namin. Magtratrabaho pa rin kami dahil ang magiging kalaban namin yung sarili namin. Malayo pa kami sa gusto naming mapuntahan,” dagdag ni Refugia.
Sa men’s division naman, muling sasalang ang Perpetual Help na haharapin ang FEU sa ganap na 10 a.m.
Hangad ng Las Pinas-based spikers na makopo ang ikatong panalo sa apat na laro habang inassinta naman FEU ang ikalawang panalo sa apat na laban.