Nilinaw ni AJ Raval, 22, na walang katotohanan ang di mamatay-matay na isyung nabuntis siya at ang itinuturong ama ay ang nobyo niyang si Aljur Abrenica, 33.
Sa kanyang Facebook Live noong August 15, 2023, kaswal na binanggit ni AJ na wala siyang anak.
“‘Tsaka enough na please sa baby-baby issue and buntis and all.
“Hindi nangyari yun, okay? Walang ganun.
“Hindi ako nakakapagsalita. Dito lang sa live ko. Hindi talaga ako nabigyan ng chance na magsalita, na protektahan yung sarili ko. Yun lang,” saad niya.
Ipinaliwanag ni AJ na matagal siyang umiwas sa social media dahil sa dami ng bashers niya mula nang maugnay sila ni Aljur.
“Dami ko kasi ginagawa. Nag-aaral ako, naglilipat ng bahay, kung anu-ano.
“‘Tsaka nawalan ako ng gana mag-social media. Di siya maganda.
“Nag-heal ako that time. ‘Tsaka pag nag-heal ka, wala ka talagang time mag-social media.
“So, okay na ako ngayon.”
Matagal na panahong nagkaroon ng espekulasyon tungkol sa diumano’y pagbubuntis ni AJ.
April 2022 nang maiulat ang pag-back out ni AJ sa pelikulang Scorpio Nights 3, sa dahilang nais niyang magpokus sa pag-aaral.
July 2022 naiulat na na-pack up ang pelikulang Us X Her. Sinasabing si AJ umano ang nagpa-pack up, at kasabay nito umugong ang katanungan kung buntis ba ang aktres.
August 2022 nang nasilayan si AJ sa isang mediacon sa gitna ng pregnancy rumor na idinidikit sa kanya.
Kasama niya roon ang ama niyang si Jeric Raval, na mariing pinabulaanan ang intriga tungkol sa anak.
Makailang-beses ding nagsalita si Jeric tungkol sa isyu, at nitong August 2023, nilinaw niyang baka napagkakamalang anak ni AJ ang mga pamangkin nito.
(pep.ph)