NAHAHARAP si dating Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Q. Bantag sa kasong murder dahil sa pagkamatay noong 2020 sa isang person deprived of liberty (PDL) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Bukod kay Bantag, anim katao pa ang kasama niya sa kaso na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkasawi ni PDL Hegel Laping Samson.
Sinabi ni Remulla, si Samson ay nasawi dahil sinupot ng plastic sa ulo hanggang mamatay.
Kabilang rin sa sinampahan ng murder complaint sina dating BuCor deputy security officer Ricardo S. Zulueta, Victor Erick L. Pascua, at Bilibid PDLs Rolando Villaver, Mark Angelo Lampera, Charlie Dacuyan at Wendell Sualog.
Ani Remulla, si Samson ang Leon Bilibid na nagsasalaysay sa social media hinggil sa mga misteryosong pagkamatay sa loob ng Bilibid.
Anang DOJ chief, may isang nagalit kay Samson kaya sinupot siya ng plastic sa ulo hanggang malagutan ng hininga.
Sinabi ni Remulla na apat na PDLs ang umamin sa kanilang partisipasyon sa pagpatay kay Samson na idineklarang dead on arrival sa NBP Hospital noong 7 Nobyembre 2020.
“They put a plastic bag over his head upon orders of some characters,” wika ng DOJ chief.
Dalawang kasong murder ang inihain sa Regional Trial Courts laban kina Bantag at Zulueta.
Sa Las Pinas City RTC, kinasuhan sina Bantag at Zulueta sa pagpatay sa beteranong radio broadcaster na si Percival “Percy Lapid” M. Mabasa.
Sa Muntinlupa City RTC, akusado sila sa pagpaslang kay PDL Cristito Villamor Palana, umano’y middleman na kumontak sa pumatay kay Mabasa.
Inilabas na ng hukuman ang warrants of arrests laban kina Bantag at Zulueta at hanggang ngayon, sila’y nagtatago.
Nag-alok ng P2-M reward ang DOJ at NBI para sa impormasyon na magbibigay daan sa pagdakip kay Bantag at isang milyong piso para kay Zulueta.