Mula sa pagiging hobby, naisipan ng isang babae sa Munich, Germany na gawing content sa social media at negosyo ang pag-aalaga niya ng iba’t ibang uri ng suso, kabilang ang mga dambuhala.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nasa 5,000 species ng suso ang pinaparami ni Kris Buckley na kaniyang ibinebenta upang gawing pet.
Ayon kay Kris, hindi gaya ng ibang pet, hindi kailangan ng mga suso ng sobrang atensyon ng amo.
“You do not need to walk your snail for example, it’s not loud,” saad niya.
Kaya maigi raw ang suso sa mga taong maraming trabaho pero gusto na may inaalagaan.
Kilala si Kris sa online bilang “snailfluencer” o snail influencer dahil sa pagiging eksperto niya sa pag-aalaga ng mga ito.
Nag-umpisa lang si Kris sa pag-alaga ng suso bilang hobby, hanggang sa mag-post siya nito sa social media at umani ng mga positibong reaksyon.
Sinubukan na rin niya itong gawing negosyo at tinangkilik ng mga follower.
Ibinebenta niya ang mga suso sa kaniyang online shop kung saan nagbibigay din siya ng tips sa pag-aalaga ng suso lalo na sa mga first timer.