Ipinagmalaki ng Quezon City Police District sa isang kalatas na kaya sumuko ang driver na tumutok ng baril sa isang siklista ay dahil sa Facebook comment ni B/Gen. Nicolas Torre III.
Pinagbantaan kasi ni Torre ang armadong motorista na si Willie Gonzales sa kanyang komento sa viral video ni Mr. BI Vlogs kaugnay sa insidente.
“Damn, yari kang kalbo ka. Sumurender ka na sa pinakamalapit na QC police station para hindi na tayo mapagod pareho.
Pakidala at sumurender na rin ng baril mo para hindi na kami mag-search warrant pa sa bahay mo. Baka kabahan pa ang SWAT ko at makalabitan ka pa ng M16,” sabi ni Torre.
Kailan naman naging tama ang magbanta ang isang opisyal ng pamahalaan sa isang sibilyan kahit pa may nagawa itong kasalanan?
Kung ating matatandaan isang guro ang inaresto at pinaglagak ng P72,000 piyansa dahil sa kanyang post sa social media na naghahayag ng kanyang alok diumano ng P50 milyon sa sinumang makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2020.
Si Ronnel Mas, 25 na naaresto sa Zambales ay pinayagan makapagpiyansa ng Department of Justice para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
“Under the rules of court, an accused may still petition the court to lower the bail,” ani Justice Undersecretary Markk Perete.
Isinampa ang kasong ‘inciting to sedition in relation to cybercrime’ kay Mas sa korte sa Zambales.
Magugunita na bukod kay Mas, ilang netizen rin ang inaresto dahil sa pagbabanta kay Duterte matapos na mag-post sa social media.
Kasama na dito, ang isang construction worker sa Aklan na nag-alok naman ng P100 milyon sa makakapatay rin sa pangulo, at isa namang salesman sa Agusan del Norte na nagpost ng umano’y libelous na mga pahayag sa pangulo at kay Senador Bong Go.
Kaya ang babala ni noo’y Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga netizen, mag-isip munang mabuti bago mag-tweet o post sa social media upang maiwasan ang katulad na sinapit ng tatlong netizens.
Kung ganoon pala ang kailangan sapitin ng netizens na matatapang sa social media, bakit ang QCPD pinuri pa ang kanilang amo?
Ginawa nilang wasto ang inasta ng kanilang heneral, walang paggalang sa karapatang pantao at walang pagpapahalaga sa buhay na malinaw sa kanyang pagbabanta sa sibilyan sa social media.
Pero kapag ang mga ordinaryong mamamayan na nagbanta rin sa social media kay Duterte, inaresto, ipinakulong at pinagpiyansa.
Baka malito na ang mga kabataan at gawing modelo ang comment ni “Netizen Nick” sa Facebook.
Huwag tularan.