Nilinaw ni ACT Teachers Rep. France Castro kahapon na “premature” pa upang maghain ng impeachment compalint laban kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Ang pinaghahandaan aniya ng kanilang grupo ay ang report ng Commission on Audit (COA) report hinggil sa confidential funds kaysa impeachment.
“Wala kaming pinaghahandaang impeachment, ang pinaghahandaan namin ay itong report ng COA. Malinaw na dapat kung mayroong confidential funds, it is expressly provided in the budget.
So mahalaga ito. Wala kaming nakita,” sabi ni Castro sa panayam sa Radyo 630.
“Yung usapin ng impeachment, premature pa ito. Masyado lang siguro na-play up,” dagdag niya.
Mas makabubuti aniya na humarap si VP Sara sa Mababang Kapulungan sa deliberasyon ng budget ng Office of the Vice President upang personal na maipaliwanag ang mahigit P125 milyon niyang confidential funds sa susunod na taon.
Hindi bahagi ng 2022 General Appropriations Act ang confidential fund, sabi ni Castro, kaya’t tinuran niyang maaaring illegal ang paglipat ng pondo.
“So kung may confidential expenses, may confidential funds. So saan nanggaling ‘yung confidential funds? Tinransfer ba ito ng Pangulo? Ito ang mga question na kailangan sagutin,” sabi ni Castro.
“Wala pa kami sa planong impeachment… pag-aaralan kasi may something kami [na nakita] na may violation sa Constitution pero hindi pa ‘yun talaga ang main namin,” anang mambabatas.
Napakahirap aniyang magbusisi ng confidential funds.
“Very scandalous na sa panahon ng kasalukuyang OVP… ay humingi ng P500 million. One hundred fifty million naman sa DepEd,” giit ni Castro.
“Hindi ito nao-audit agad. So maitatago mo ang mga expenses,” aniya.
Ikinatuwiran ng OVP noong nakaraang buwan na ang confidential nila’y “utilized appropriately” matapos ilabas ng COA ang ulat hinggil sa paggasta ng pondo ng tanggapan.